Kinumpirma ni Bianca Umali ang usap-usapan noon na "insidente" sa umano'y pagseselos niya kay Ruru Madrid habang nasa isang mall. Pero wala umanong katotohanan na muntik niyang masagasaan ang aktor sa parking lot.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, pinakumpirma ni Tito Boy kay Bianca kung tama ang kuwento na nagselos daw siya noon kaya kamuntikan niyang masagasaan ang nobyo.

"The incident, yes. To clear things out, there was an incident. Pero 'yung lahat nang lumabas na istorya na nababasa niyo, to the point na muntik ko nang masagasaan, it was exaggerated at some point," sabi ni Bianca.

"I did not talk about it anymore kasi I don’t see the point of clearing the story ng side ko sa lahat ng tao. So I just let it be na ganu'n ang tingin nila," pagpapatuloy niya. "But yes, there was an incident."

Tinanong ni Tito Boy kung nag-ugat sa selos ang insidente ng pag-aaway nila umano ni Ruru.

"Mayroong history na pinanggagalingan," sagot ni Bianca, na kinumpirma rin na maraming nakakita sa insidente.

Tama sa kaniyang mga hinala

Tinanong ng King of Talk si Bianca kung ano ang kaniyang dahilan kung bakit siya nagseselos.

Ayon sa aktres, madalas na tama ang kaniyang mga hinala, kaya may dahilan siya kung bakit siya nagseselos.

"I think kaya ko nasasabi na selosa ako especially when it comes to my relationships, is because ganoon ako kagrabe magmahal, that I am territorial. And 'yung pagkaselosa ko po alam ko na nasa lugar. Kapag alam ko na meron akong pagseselosan, doon ako nagseselos. And I have been right all the time," saad ni Bianca.

Natatawa pang sabi ng aktres, "He knows that."

Sa unang pagkakataon, magkakasama sina Bianca at Ruru sa upcoming series ng GMA na "The Write One." --FRJ, GMA Integrated News