Ikinuwento ni Liza Soberano sa panayam ni Boy Abunda na may tumatawag sa kaniyang "little producer" kapag nakatalikod siya nang minsan magmungkahi siya na may babaguhin tungkol sa kaniyang ginagampanang karakter.

Inihayag ito ni Liza sa taped inverview ni Tito Boy na ipinalabas sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, kung saan nilinaw ng aktres ang mga sinabi niya sa kaniyang vlog na "This is Me.

Tinanong ng King of Talk ang aktres na, "Hindi ba masyado pinakikinggan ang boses mo pagdating sa creatives, am I getting it right?"

Tumugon ng yes si Liza, at ikinuwento ang isang insidente noong 2019, na panahon na sinabi niyang, "I started really falling in love with acting."

Ayon kay Liza, masunurin naman siya at batid niya na alam ng mga taong nakakatrabaho niya ang kanilang ginagawa.

"But when I started understanding how acting works, when I started understanding character development, I would talk with directors, to the PAs, to the writers and be like, 'Sa tingin ko po, hindi sasabihin ng character ko 'to, hindi gagawin ng character ko 'to.' And sometimes, they would negotiate and say, 'no, kailangan talaga ito ang mangyari,'" pahayag niya.

"But I didn't know behind my back — a really close director friend of mine, told me they would about me talk behind my back, and call me 'little producer'," patuloy niya.

Dahil sa natuklasan niya, hindi na siya nagsasalita dahil sa pangambang may ma-offend muli siya.

"Ever since after that, I felt I didn't have the right to bring this up. Feeling ko, nao-offend mga tao. Which was not my intention but I thought as an actor, that was my job, to help improve the story, to be collaborative," ayon kay Liza.

Tinanong ni Tito Boy si Liza kung sinabi ba niya sa kaniyang manager noon na si Ogie Diaz ang naturang insidente, ayon kay Liza, sinabi niya pero wala na rin silang magawa dahil ayaw niyang sabihin kung sino ang nagbigay sa kaniya ng impormasyon.

"So I decided to stay quiet. I backed off," anang aktres. "Baka ganun lang talaga ang showbiz. I didn't know anything else beyond that. Iniisip ko pa long, maybe ako yung rude for questioning the creatives' decisions."

Nang tanungin si Liza kung masaya ba siya, sabi ng aktres, "It's not that I wasn't happy. But I wasn't fulfilled. I wanted more participation. I wanted to feel heard or listened to."

Ipagpapatuloy sa Lunes ang ikalawang bahagi ng panayam ni Tito Boy kay Liza.— FRJ, GMA Integrated News