Pinabulaanan ni Faye Lorenzo ang iniisip ng ilang tao na porke "sexy" ang imahe ng isang babae na tulad niya ay dapat na itong makatanggap ng pambabastos.

"Sa akin po Tito Boy, hindi naman porke ang image ay pa-sexy ay kabastos-bastos na siya. Kasi kapag lumabas naman ako, maayos ako makipag-usap, maayos akong manamit, and alam ko kung ano 'yung limit. Hindi naman porke pa-sexy ako, ganoon na lang ako kababa," mariing sabi ni Faye sa "Fast Talk with Boy Abunda."

Paliwanag ni Faye, may mga artistang nagsimula sa pagpapa-sexy, pero ngayon ay respetado sa showbiz industry.

"Ito 'yung opportunity na binigay sa akin eh. Ito 'yung nakita ko na paraan para makapasok ako sa industry na ito. At ang dami po nating beteranong actors na nagsimula na pa-sexy. Pero ngayon, hanggang ngayon nirerespeto pa rin sila," saad ni Faye.

Isa si Faye sa mga magaganda at hot babes ng longest-running gag show na "Bubble Gang" tuwing Biyernes. Kilala rin si Faye sa pagpapainit sa social media sa kaniyang daring photos.

Sa kabila nito, hindi raw nakararamdam ng "pambabastos" sa comedy sketches ng 'Bubble Gang' si Faye.

"Siguro 'yung pagiging masayahin ko at positive lang sa buhay. Workout siyempre and healthy diet siguro," saad ni Faye tungkol sa kaniyang sikreto sa sexy na pangangatawan. —LBG, GMA Integrated News