Ibinahagi ni Faye Lorenzo ang kaniyang fitness at health secrets para mapanatili ang magandang pangangatawan.

"Siguro 'yung pagiging masayahin ko at positive lang sa buhay. Workout siyempre and healthy diet siguro. Wow healthy diet," natatawang sabi ni Faye sa GMA Regional TV Early Edition.

"Iniiwasan ko talaga na mapasobra 'yung kain ko sa sweets, kasi diyan talaga ako mabilis na nag-ge-gain ng weight. Hindi na rin kasi ako kumakain ng white rice. Alternative ko na ginagawang rice is 'yung quinoa para ma-maintain ko 'yung ganitong body," dagdag ng "Bubble Gang" babe.

Inihayag ni Faye ang kaniyang mga paboritong workout para sa kaniyang magandang hubog ng katawan.

"Ang ginagawa ko lang, kapag nag-workout ako, boxing tapos Muay Thai. 'Yan lang naman ang mga favorite ko na workout," saad niya.

Isa si Faye sa cast ng longest-running gag show na "Bubble Gang."

Dati nang inihayag ni Faye na kung siya ang papipiliin, gusto niyang maging isang kontrabida sa isang series dahil ito ang kaniyang dream role. --FRJ, GMA News