Kinumpirma ni Klea Pineda na nanligaw sa kaniya ang leading man niya noon na si Jeric Gonzales.

“Nanligaw ba sa ‘yo si Jeric?” tanong ni Nelson Canlas kay Klea Pineda sa podcast na “Updated with Nelson Canlas.”

“Oh yeah, yeah. Nanligaw sa akin si Jeric,” pagkumpirma ni Klea.

Ayon kay Klea, tinanong na rin siya tungkol dito ng showbiz press, pero hindi niya pa alam kung paano sasagutin noon dahil bata pa siya.

“Wala talaga akong ka-idea-idea sa tanong nila na parang… Actually ang alam ko na-speechless ako nu’n eh, na hindi ko alam kung saan ko sisimulan. Kahit i-compose ko ‘yung sarili ko, hindi ko talaga kayang sagutin ‘yung tanong, sorry,” anang Kapuso actress.

Dagdag ni Klea, masyadong personal umano ang tanong, kaya inisyal na reaksyon niya na itanggi ito.

“Siyempre ang initial reaction ko, magde-deny ako sa kung anong tanong man ‘yun. Ide-deny ko nang sobra-sobra, at wala pa ako sa point na ‘yun na ready ako sagutin ‘yung question na ‘yun.”

Hindi itinago ni Klea na nabastusan siya sa tanong, at inihayag na pakiramdam niyang nalabag ang kaniyang privacy.

“Siguro isa ‘yun sa bastos na natanggap kong question, na hindi nila iniisip ‘yung nararamdaman ng ini-interview nila. Gusto lang nila ng write-up, gusto lang nila na may pag-usapan,” saad ng AraBella star.

“Naging selfish sila sa part na ‘yun and ako, ‘Uhh. Okay lang ‘yan. Sige i-deny  ko hangga’t kaya ko. Kasi hindi pa rin ako ready nu’n. ‘Yun ‘yung isa sa mga na-invade ‘yung privacy ko nang malala.”

Ayon kay Klea, marami siyang natutunan tungkol sa karanasan sa pagtatanong sa kaniya, at kung paano niya ito haharapin sa susunod.

“May karapatan na ako. Alam ko ngayon sa sarili ko kung ano ‘yung karapatan ko bilang artista, na kung may gusto akong sagutin or ayokong sagutin, nasa sa akin ‘yun, desisyon ko ‘yun. Okay, ibato niyo ‘yung question pero, may boundaries po tayo and lumalagpas na po kayo roon,” sabi niya.

“Kapag nafi-feel ko na nalalagpasan na ‘yung limits na ‘yun, ‘yung boundaries na ‘yon, okay lang akong mag-say no,” dagdag niya.

Matatandaang nagkatambalan sina Klea at Jeric sa Kapuso afternoon drama series na “Magkaagaw” noong 2019. —LBG, GMA Integrated News