Pinuri at pinag-usapan online ng netizens ang pilot episode ng romance drama series na “The Write One” na pinagbibidahan nina Bianca Umali at Ruru Madrid. Ang real-life couple, aminadong kinabahan kung magkakaroon sila ng on-screen chemistry.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, mapapanood na nag-timeout ang cast at crew ng The Write One para panoorin ang pilot episode nitong Lunes.

Nasa watch party sina Ruru at Bianca, pati na rin sina Mikee Quintos, Lotlot de Leon, Royce Cabrera at Kaloy Tingcungco.

Kaya naman nabawasan ang kaba nina Ruru at Bianca sa reaksyon ng mga manonood. Inamin ng dalawa na kabado sila kung magkakaroon sila ng on-screen chemistry.

“Sobrang masaya na ako. I didn’t expect na ganito ‘yung magiging reaction din ng tao while watching this series. ‘Yung eksena namin na nag-kiss kami. To be honest ‘yun ang challenge for me, dahil nga sa sobrang kumportable namin sa isa’t isa. Siyempre gusto naming maparamdam sa tao ‘yung kilig, ‘yung feeling na para bang hindi sila sanay na makita kami,” sabi ni Ruru.

Ayon kina Ruru at Bianca, ibang iba ang kanilang atake sa pag-arte sa kanilang kauna-unahang pagtatambalan.

Maaaring maihalintulad sa K-drama series mula sa kanilang facial expressions at galaw, at mabilis din ang galaw ng kuwento.

“Actually sa show na ito, I think it pushed beyond our limits kasi lahat ng genre na puwede naming gawin at pasukin ginawa namin and binigay namin. Because we want to give our best and for the show to look na sobrang ganda and siksik sa rekados kumbaga,” sabi ni Bianca.

Nagbigay ng kilig feels ang pilot episode nang mapanood ang masayang buhay nina Liam at Joyce.

Dapat abangan ang pagbabago ng kanilang tadhana sa pamamagitan ng isang magical typewriter. Ang The Write One, na collaboration ng GMA Public Affairs at Viu.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News