Viral at dinadagsa ang isang faith healer sa Taysan, Batangas dahil kaya umano nitong palakarin at mapagsalita ang mga na-stroke sa pamamagitan ng paghila ng dila. Maituturing kaya itong milagro, at ligtas na gawin bilang paraan ng panggagamot? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinampok ang faith healer na si Kent Dumaguin, na nagpapakilala bilang “Warrior of God.”
Sa bahay ni Kent, kahit 7 a.m. pa lamang ay mahaba na ang pila ng mga nais magpagamot na karamihan ay mga na-stroke, Umaabot umano ng 300 hanggang 400 ang kaniyang mga pasyente araw-araw, at matatapos siya ng 11 p.m.
Nagmula sa pamilya ng mga manggagamot si Kent, at ang inakamakapangyarihan umano sa kaniyang mga instrumento ay ang medalyon na ipinamana ng kaniyang lolo.
“Nine-years-old pa lang po ako, marunong na po ako [na manggamot]. Namana po hanggang nadala ko po. Kaya hinihila po natin para makasalita nang ayos o mag-release po ang mga naipit na ugat sa tongue nila,” anang faith healer.
“Kinakapa po natin nang maayos ang mga bones nila. Mina-massage ko at tini-therapy ko mabuti,” dagdag pa niya.
Isa sa mga pasiyente ni Kent ang 70-anyos na si Rosemarie Mendoza na mula San Jose, Batangas. Na-stroke siya nitong lamang Enero dahil sa diabetes at hindi makatayo at makapagsalita, ayon sa anak na si Joy Mendoza.
Hanggang sa mapanood nila ang pagpapagaling ni Kent online.
“Sabi ko, hangga't hindi ako ang nakakakita at nakakapatunay, hindi talaga ako naniniwala. Nung nasaksihan ko nga po, nung ang mama na ang ginamot, saka ako na-ano, kasi ako na mismo ‘yung nakakita,”kuwento niya.
Sa video, mapanonood na nakapagsalita si Nanay Rosemarie ng mga salitang “guwapo!” at “I love you!” matapos galaw-galawin ni Kent ang kaniyang tainga, kalikutin ang kaniyang bibig at hinila ang kaniyang dila.
Si Gilberto Diaz naman na mula sa Laguna, na-stroke nito lamang nakaraang buwan. Dahil dito, hindi siya makalakad at hindi mabigkas ang kaniyang mga salita.
Ngunit nang hilahin din ni Kent ang kaniyang dila, nakapagsalita at nakalalakad na si Diaz
“Nagulat ako eh. Pagtayo ko nakalakad ako, hindi na ako inalalayan,” sabi ni Diaz.
Pumila rin sa bahay ni Kent ang mga lolo at lola ni Zeke Sean Torillo na sina Marino at Lisa, na parehong na-stroke.
Unang sinuri ni Kent si Lolo Marino, na hirap maglakad kaya inakay pa papasok. Hanggang sa hinila ng manggagamot ang dila ng kaniyang pasiyente.
Sinubukang palakarin si Lolo Marino, at tila himalang agad na siyang nakalalakad nang wala nang alalay na tungkod.
“Na-shock po kami. Halos kanina, alalay po talaga eh. Ngayon hindi na kailangan. Excited na nga po umuwi,” sabi ni Zeke Sean.
Sunod na ginamot ni Kent si Lola Lisa. Ngunit dahil namamanas ang kaniyang mga paa, hindi pa umano ito puwedeng gamutin.
Ngunit ang problema ni Lola Lisa sa pagsasalita, niremedyuhan ni Kent at hinila ang dila nito. Maya-maya pa, si Lola Lisa, malinaw nang nakapagsalita at nakasagot sa mga tanong.
“Imbes na tabingi ang dila ko, hindi na,” sabi ni Lola Lisa.
Kumalat sa pamamagitan ng salita o word of mouth ang estilo ng panggagamot ni Kent, kaya naman naimbitahan na rin siya ng mga pasyente abroad.
“Hindi po ako nag-aaral sa therapist na any medical course. Kung gifted ka po na binigay ng Panginoon Diyos, may mga gumagabay sa'yo kung ano ang tama na gagawin mo,” pahayag niya.
Paglilinaw ni Kent, hindi lahat nang may sakit ay kaya niyang gamutin. Gaya na lamang ng pasyenteng si Marlon na na-stroke din mula Dasmariñas, Cavite.
Makaraang hila-hilahin ni Kent ang dila ni Marlon, hindi pa rin ito nakapagsalita.
“May damage po siya sa papunta sa brain niya. Kahit hilahin natin itong dila, hindi po ito makakapagsalita. Kasi maaayos naman po yan, pero sequence po o set by set po,” paliwanag ni Kent.
Paalala ng eksperto
Ayon naman sa neurologist na si Dr. Anabelle Alcarde, hindi nakabubuti sa pagsasalita ang paghila sa dila o pagmamasahe ng panga.
“The brain recovers on its own. We call it neuroplasticity. puwede kang mag-improve. Practice ka lang magsalita. ‘Yung massage, I really doubt na it will cause a big improvement on walking. Na baka parang na-boost lang 'yung isip nila na you're healed or you're cured. Maglakad ka na, magsalita ka na. So parang placebo, pero 'yung real recovery ng stroke, hindi siya in an instant,” sabi ni Dr. Alcarde.
Paalala pa ng mga eksperto, napakapeligroso ng pamamaraan ng manggagamot.
“Kasi 'yung tongue natin, maraming blood vessels yan, madaming nerves. Pag nahila mo nang malakas, puwedeng mag-bleed, puwedeng mamaga 'yung tongue, o 'yung mga nerves ma-deactivate, hindi ka na makakalasa. And sa paghihilot naman, if you don't know the anatomy, puwede kang magka-dislocation, fracture, muscle inflammation, injury,” sabi ni Dr. Alcarde, na nagpayong mainam magkonsulta sa physical o speech therapist.
Ayon kay Kent, nirerespeto niya ang mga duktor at eksperto na pinag-aralan ang medisina.
“Respeto din po tayo sa mga doktor po natin at sa mga eksperto natin kasi pinag-aralan din po nila. Pero ako, bilang isang faith healer po, alam ko po, at sapat na po sa akin, ang gabay ng Panginoon Diyos,” sabi ni Kent. – FRJ GMA Integrated News
