Sa Instagram post, humingi ng paumanhin si Chito Miranda sa fans na bigong makapagpakuha ng larawan na kasama sila ng kaniyang asawang si Neri Naig sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

"Nais ko lang po mag-sorry sa mga kasabay namin sa flight kanina na hindi ko napagbigyan magpa-picture pag lapag natin sa NAIA," anang lead vocalist ng bandang Parokya Ni Edgar.

Ayon kay Chito, naging "aligaga" sila ni Neri dahil kasama nila ang kanilang mga anak at may mga gamit na kailangang asikasuhin.

"Medyo aligaga lang kami ni Neri kasi tulog si Cash at ang dami namin kelangang asikasuhin, bitbitin na gamit, along with pag-alaga kay Miggy and Ate Pia," paliwanag niya.

ADVERTISEMENT

 

 

Sa comment section, inihayag naman ng kanilang followers na nauunawaan nila ang sitwasyon ni Chito na dapat unahin ang kaniyang pamilya.

Napag-alaman na galing sa Amerika si Chito, kung saan nagkaroon ng "gig" ang kaniyang banda. Sa hiwalay na post, nagkuwento siya tungkol sa pamamasyal nila ng kaniyang anak.

 

 

—FRJ, GMA Integrated News