Kilig overload ang hatid ng eksenang marriage proposal ni David Licauco kay Barbie Forteza sa thanksgiving dinner para sa kanilang fans.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikitang lumuhod si David sa harap ni Barbie para sa ending ng kanilang "The Way You Look at Me" music video.

Pero bago ang sweet na tanong na ginagawa sa mga proposal, nagtanong muna si Barbie, "Anong pangalan ko?"

Sambit ni David, "Binibining Klay, maaari mo ba kong pakasalan?"

Si Klay ang karakter ni Barbie sa kanilang hit series na "Maria Clara at Ibarra." Habang si Fidel naman ang karakter na ginampanan ni David.

ADVERTISEMENT

Nang ilalagay na ni David ang singsing sa daliri ni Barbie, nagbiro ang aktres ng, "Ah, 'di pa 'ko nagye-yes."

Matapos na may ibulong si Barbie kay David, inilagay na ng aktor ang singsing sa daliri ng aktres at nagyakap ang dalawa.

Ayon kay David, siya ang nakaisip ng bagong marriage proposal scene.

"Parang inisip ko lang maganda sigurong gawin actually papakasalan... parang gusto na kitang pakasalan, ganon," paliwanag ng binata.

Ginawa nina David at Barbie ang intimate thanksgiving dinner sa fans dahil sa natanggap nilang suporta sa kanilang "The Way You Look at Me" music video, na mayroon nang 1.3 million views.

"Sobrang saya namin dahil umpisa pa lang sinabi namin, 'We're both very honored to do the music video.' Ang ganda rin ng story namin. Kakaiba siya talaga. It's very heartfelt," ani Barbie.

"Lahat ng 'to ay dahil sa fans na sumusuporta sa aming dalawa ni Barbie so super thank you," dagdag ni David.

Napapanood na rin ngayon at nasa no.1 spot sa Netflix Philippines ang "Maria Clara at Ibarra."

Nakamit din ng series ang bronze medal sa 2023 New York Festivals for Entertainment Program: Drama.—FRJ, GMA Integrated News