Inilahad ni Boobay na sinubukan niyang ipaglaban ang relasyon nila ng kaniyang dating partner ng walong taon, ngunit may pagtanggap sa realidad na maaring hindi na sila magkakabalikan.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, ikinuwento ni Boobay na nagkita pa sila ng dati niyang partner na si Kent Resquir nitong taon.

“Tinry (Try) ko pa rin siyang ilaban talaga kasi nga after naming mag-break... noong umuwi siya this year itong March, pumunta kami ng Palawan kasi sabi niya, para makipag-break na sa akin,” sabi ni Boobay.

“Pero ang talagang point kaya ako nagpunta roon, para sana baka ma-realize niya na puwede pa rin. Kasi meron kaming pangako sa isa’t isa before. Kaya siya pumunta ng Australia na kapag siya stable na, taga-roon na at puwede na siyang pumunta anytime gusto niya, susunod ako at doon na kami together,” pagpapatuloy niya.

Gayunman, hindi umayon ang pagkakataon sa inaasahan ni Boobay.

ADVERTISEMENT

“Umasa kasi ako doon na baka matupad. Pero hindi nga nangyari.”

Gayunman, gusto pa rin ni Boobay na maging magkaibigan sila ni Kent, na nagligtas sa kaniya nang makaranas siya ng mild stroke noong 2016.

“But, sabi ko, kung hindi man talaga puwedeng magkabalikan, at least may ma-save kami kahit friends lang kami. Kasi sayang naman,” sabi ni Boobay. “We are friends today. Okay naman kami.”

Bukod dito, pareho na rin silang kilala ng mga pamilya ng isa’t isa.

“Hindi puwede kasi na itapon mo na lang bigla bigla lang na ganoon,” saad ni Boobay.

Ibinahagi rin ni Boobay na matapos ang hiwalayan nila ni Kent, nagkaroon na rin ito ng bagong kasintahan.

“Yes. [Nasabi] niya na sa akin na dalawang beses na siyang nagkaroon ng partner doon.”

Tanggap ni Boobay kung ano man ang pasya ng kaniyang ex.

“He wants to be single muna. Sabi ko ‘Go. I’m matured enough, maturity na rin sa akin ‘yon na matanggap sa kaniya na, ganu’n nga, puwede nga sigurong tanggapin na wala na kami. Kasi kung magiging kami ulit, malamang magiging problema na naman ang distance namin together.”

Inilahad ni Boobay ang leksiyong kaniyang natutunan matapos wakasan ang walong taong relasyon nila ni Kent.

“To accept the fact that nothing is permanent. Hangga’t nandiyan, ibigay mo ang best mo para kahit paano, hindi ka niya makakalimutan, at maaalala niya,” saad ng “The Boobay and Tekla Show” host.

“I did my part as a partner,” pagpapatuloy pa niya.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News