Para kina Valeen Montenegro at Chariz Solomon, mas ikalulungkot nila kung mawala mismo ang “Bubble Gang,” kaysa kung sila ang mamaalam sa longest-running gag show.

“The title lives on pero the cast will change. Are you ready na mawala sa Bubble?” diretsahang tanong ni Paolo Contis kina Valeen at Chariz, kaniyang Bubble Gang co-stars, sa online talk show na “Just In.”

“Ako, hindi,” nakakatuwang sagot ni Chariz.

“Simula noong nag-pandemic, dahan-dahan ko nang pine-prepare ‘yung sarili ko. Pero ako ayokong mawala roon,” pagpapatuloy ni Chariz.

“Pero feeling ko kasi talagang si Lord na lang ito eh. Na-regular lang ako sa Bubble noong buntis na ako kay Apollo. Dati grabe ‘yung pa-sexy ko na kung anu-ano ang sinusuot ko hindi ako nare-regular. Noong buntis ako doon pa ako na-regular,” muling biro ni Chariz.

ADVERTISEMENT

“Wishful thinking na when the time comes may mag-click or may maisip ang writers ng Bubble Gang to have something for me. Parang kay Cha na nag-spark ng idea,” sabi naman ni Valeen.

“Pero, kailangang maging ready specially noong nag-pandemic. Parang natuldukan eh,” dagdag ni Valeen.

Gayunman, mas masakit para sa dalawang co-stars kung sakaling mamaalam sa ere ang Bubble Gang.

“Mawala ‘yung Bubble,” sabi ni Chariz, bagay na sinang-ayunan din ni Valeen.

Para kina Valeen at Chariz, magiging masaya sila kung magtutuloy-tuloy ang longest-running gag show.

“Kasi grabe naman, 28 years, pinapanood ko ito noong bata ito eh. I’m grateful na lang din na noong pinapanood ko siya, ngayon I’m part of the show na,” sabi ni Valeen.

“Kasi puwede namang mag-guest, ‘di ba? Puwede pa ring mag-guest kahit mawala ka sa show” sabi pa ni Valeen.

“Sana tumuloy, pero lalait-laitin namin,” muling nakakatawang biro ni Chariz.

“Lalo na kung nandu’n ka pa, ikaw talaga ang iba-bash namin,” biro naman ni Valeen kay Paolo. -- BAP, GMA Integrated News