Inalala nina Chariz Solomon at Valeen Montenegro kung paano nagsimula ang kanilang skit na “Balitang Ina” sa Bubble Gang, na talaga namang patok at kinagigiliwan ng netizens.

Sa online talk show na “Just In,” ikinuwento ni Chariz na ang ideya ng “Balitang Ina” ay nanggaling sa kaibigan at co-star nila noong si RJ Padilla.

“Sabi niya ‘Gawin niyo ‘yung Balitang Ina… Siya lang, inisip niya, tapos ginawa ng writers,” sabi ni Chariz.

Noong dumating ang unang shooting day para sa sketch, isa sa kanilang mga boss ang nagmungkahi na dapat malutong ang pagkakabigkas ng “Balitang Ina.”

ADVERTISEMENT

“Sabi ko ‘Hindi, dapat sweet,’” sabi ni Chariz na hindi sumang-ayon noon. “Tapos gumawa kami ng gesture, on the fly. Tapos ginawa naming sweet, motherly na hindi natin intensyon.”

“Sa mind mo, balita ito. Kasi kapag ginawa mo siya nang [diretso], it’s cringe. Ayaw mong i-[portray] sa viewers na ito ‘yun. Kaya feeling ko ganu’n siya naging fad,” dagdag ni Chariz.

Bagama’t hindi pa naranasan ang maging ina sa tunay na buhay, hindi naman nakaramdam si Valeen na hindi babagay sa kaniya ang role.

“Ako hindi ko naisip na hindi bagay sa akin kasi kasama ko siya (Chariz). Gumu-go with the flow lang talaga ako sa kaniya kasi alam ko alam niya ‘yung ginagawa niya eh,” sabi ni Valeen.

“Noong sinabi sa amin na dapat malutong, nag-agree ako eh. ‘Ah okay dapat malutong.’ Tapos noong kinontra niya na dapat soft na parang nanay lang, sabi ko ‘Ah okay,’” pagpapatuloy ni Valeen.

Dahil magkaibigan na, nakita na raw ng kanilang mga writer at direktor ang rapport nina Chariz at Valeen sa kanilang sketch.

Ang sketch na Balitang Ina ay tungkol kina Mommy Vicky (Valeen) at Mommy Karen (Chariz) na naghahatid ng mga balita tungkol sa buhay ng mga ina. —LBG, GMA Integrated News