May bagong pelikulang gagawin ang Kapuso TV host-actor na si Paolo Contis, kasama ang batikang aktor na si John Arcilla.
Sa Chika Minute report sa GMA News "24 Oras"nitong Lunes, sinabing isang gay martial arts fighter ang magiging role ni Paolo sa pelikulang may pamagat na Fuchsia Libre.
Wala pang ibang detalye na ibinigay tungkol sa naturang movie. Pero sa isang ulat ng PEP.ph, sinabing mag-ama ang magiging role nina Paolo at John.
Gustong-gusto raw ni Paolo ang naturang movie project dahil sa Pilipinas lang ito gagawin at malapit pa sa studio ng "Eat Bulaga," kung saan isa siya sa mga host ng nootime show.
Gaya ng iba pang movie projects ni Paolo, ang Mavx Productions din ang magpu-produce ng Fuchsia Libre.
Ang iba pang pelikula ni Paolo na kaniyang ginawa o ginagawa pa ay ang "Ang Pangarap Kong Oskars," kasama si Joross Gamboa.
Samantala sa movie sa "Tasmania" na kinunan ang ilang bahagi sa abroad, kasama ang kaniyang mga "Tabing-Ilog" co-stars na sina Patrick Garcia at Kaye Abad. --FRJ, GMA Integrated News
