Inamin ni Rainier Castillo na may napagsabay siya noon na dalawang girlfriend at nalaman niya na hindi pala madali.
“Matagal na matagal na po ‘yon,” sabi ni Rainier sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, kaugnay sa pagkakaroon niya ng dalawang nobya.
“Sa kapusukan. Gusto ko lang po masubukan noong mga panahon na ‘yun, tapos siguro curious ako kung anong pakiramdam, pero mahirap din pala,” pag-amin niya.
Ayon pa kay Rainer, hindi naman daw tumagal ang naturang set-up niya ng pakikipagrelasyon na umabot lang ng isang buwan.
“Mahirap ‘yung time management, hindi puwedeng isa lang ‘yung cellphone mo, dapat magkaiba yan,” paliwanag niya.
Inamin niyang mali iyon at hindi dapat gayahin.
Nagbabalik-showbiz si Rainier sa “The Black Rider,” kasama sina Ruru Madrid at Matteo Guidicelli. --FRJ, GMA Integrated News
