Tampok ang P-Pop Kings na SB19 bilang cover stars ng nagbabalik na Billboard Philippines.
Sa Instagram ng naturang music media brand, ipinakita ang angas na may style ng SB19 members na sina Pablo, Ken, Josh, at Justin suot ang kanilang red suit sa isang puting background.
Nito lang ding Oktubre, inanunsyo ng SB19 ang paglulunsad ng sarili nilang kumpanya na 1Z Entertainment, kung saan magsisilbi si Pablo bilang CEO nito.
Inilunsad din ng grupo ang kanilang unang podcast na “Atin Atin Lang.”
Sa Oktubre 28 naman, gaganapin ng SB19 ang kanilang fan meet na pinamagatang “ONE ZONE” bilang pagdiriwang ng kanilang ikalimang anibersaryo sa Araneta Coliseum ng 7 p.m.
Samantala, nagbabalik naman ang Billboard Philippines matapos tumigil sa operasyon noong 2018.
Nasa ilalim itong Modern Media Group Inc. (MMGI) ng AGC Power Holdings Corp, ang kumpanyang nag-aasikaso rin ng Vogue Philippines at NYLON Manila. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
