Bago pa man maganap ang markadong pagsampal ni Will Smith kay Chris Rock sa stage ng Oscar ceremony noong 2022, inilahad ni Jada Pinkett Smith, na anim na taon na silang hiwalay ng kaniyang asawa.

Noong nakaraang taon, muling naging sentro ng usap-usapan sa Hollywood ang pagsasama nina Jada at Will, kasunod ng ginawang pagsampal ni Will kay Chris nang magbiro ang komedyante tungkol sa pagiging kalbo ni Jada na may alopecia.

Basahin: Chris Rock, nayanig sa sampal ni Will Smith on stage sa Oscar ceremony

Nasa stage noon si Chris bilang presentor sa Oscars. Umakyat si Will at walang sabi-sabing sinampal niya ang komedyante.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi umano ni Jada sa isang panayam ng NBC News na ilang taon na silang hiwalay ni Smith bago pa man ang insidenteng sangkot si Chris.

BASAHIN: Will Smith, nagsisisi sa ginawang pagsampal kay Chris Rock

"By the time we got to 2016 we were just exhausted with trying," sabi ni Jada sa advance clip mula sa panayam para i-promote ang memoir na, "Worthy."

Ilang beses na itinanggi noon ng mag-asawa ang tungkol sa mga balitang pakikipagrelasyon sa iba at sigalot sa kanilang pagsasama.

Pero noong 2020, inilahad ni Jada ang extramarital "entanglement" niya sa singer na si August Alsina, na nangyari ilang taon ang nakalipas, at hiwalay umano sila ni Will.

Bagaman nananatiling legally married ang mag-asawa, tinanong si Jada kung bakit inilihim nila ni Will ang paghihiwalay.

Ayon sa aktres, hindi pa sila handa at "we still trying to figure out between the two of us how to be in partnership."

"We just got deep love for each other and we are going to figure out what that looks like for us," sabi ni Jada sa hiwalay na panayam ng People magazine.

Sa nangyaring insidente sa Oscars ceremony, sinabi ni Jada sa memoir na inakala niya noong una na "skit" ang ginawang pagsampal ni Will kay Chris.

BASAHIN: Chris Rock, umiwas munang magbiro tungkol sa pagsampal sa kaniya ni Will Smith

Hindi pa raw malinaw kay Jada kung bakit nagalit noon si Will kay Chris.

"We had been living separate lives and were there as family, not as husband and wife," saad ng aktres.

Unang nagkakilala ang dalawa sa set ng sitcom ni Will na "The Fresh Prince of Bel-Air" noong 1994.

Kasal pa noon sa unang asawa si Will na kinalaunan ay nauwi sa diborsiyo. Mayroon dalawang anak sina Jada at Will, na sina Jaden at Willow. — AFP/FRJ, GMA Integrated News