Aminado si Zephanie na naiiyak na siya sa kaba habang tila nagsesermon si Super Tekla dahil sa kunwaring hindi nagustuhan komedyante ang tanong ni Michael Sager tungkol sa ina ng kaniyang anak. Ang hindi alam ni Zephanie, biktima siya ng prank.
Sa nakaraang episode ng "The Boobay and Tekla Show," unang nagbato ng tanong si Zephanie kay Boobay kung nakapag-move na ang TV host sa breakup nito sa dating karelasyon.
"Feeling ko oo, naka-move on at some point. Parang naliwanagan ako sa buhay na nothing is permanent," sagot ni Boobay.
"Siguro ang bibigyan mo lang ng importansiya d'yan yung learnings mo na puwede mong i-apply sa darating pa na mga sakuna sa buhay mo," dagdag ni Boobay.
Sunod na nagbato ng tanong si Michael para kay Tekla kung totoo na hiniwalayan nito ang ina ng kaniyang anak.
Nagkunwari na hindi komportable si Tekla sa tanong ni Michael.
"Wait ha medyo sensitive 'yung question," ani Tekla. "May narinig ka ba sa news? Wala 'di ba?"
Sabi pa ni Tekla, walang naibabalita tungkol sa tanong ni Michael dahil iniiwasan niya talaga itong pag-usapan.
Dito na kunwaring pinayuhan ni Tekla sina Michael at Zephanie na bilang mga baguhan ay suriin muna ang tanong bago bitiwan lalo na kung personal.
Habang nagsesermon si Tekla, makikita na may ibinubulong si Zephanie kay Michael na mag-sorry at aminin ang pagkakamali.
Nang mag-sorry na mismo si Zephanie, dito na binitawan ni Tekla ang magic word na, "na-TBATS!" at kasabwat nila si Michael, na tawa nang tawa.
"Say sorry, say sorry," natatawang sabi ni Michael na ibinubulong sa kaniya ni Zephanie.
Ayon kay Zephanie, napagtanto nga niya na personal masyado ang tanong at naiiyak na siya sa kaba dahil inakala niyang nagalit talaga si Tekla.
Pero kahit prank lang ang lahat, sinabi ni Zephanie na may natutunan siya pagdating sa pagsuri ng itatanong sa guest.
"Sa susunod talaga siguro ime-make sure ko muna... baka next time hindi na prank," natatawa niyang sabi.-- FRJ, GMA Integrated News
