Bagaman umani ng puna at batikos ang pagsusuot noon ni Beauty Gonzalez ng umano'y mga antigong 'death mask' bilang alahas sa GMA Gala, iginiit ng Kapuso actress na maganda ang kaniyang intensiyon nang gawin niya iyon.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkues, nagpaliwanag si Beauty tungkol sa isinuot niyang gold artifacts neckpiece at earrings na sinasabing mga excavated eye and mouth covers mula sa Visayas.

"It's a beautiful jewelry," saad niya. "Iba-iba ang beliefs ng mga tao. I believe in what I believe and I believe in what she believes and I respect that. I had good intentions that night. I wanted to wear something authentic na that is made in the Philippines thousands of years ago. 'Yun lang ang gusto ko," paliwanag niya.

Nang tanungin kung naapektuhan ba siya ng mga puna, sabi ng aktres, "No."

"It doesn't affect me. Every bashing is a blessing. I choose to wear it that way. Why not? Nagsusuot nga tayo ng anting-anting na pinasa pa ng mga magulang natin," paliwanag pa niya.

Ang pagiging unaffected ni Beauty ay maaaring galing daw sa kaniyang pag-aalaga sa sarili, hindi lang physically kundi mentally. Sanay din daw siya na mag-isa.

"Sanay ako to be alone so even if I'm happily married now, its important for me to have my me time," sabi ng aktres.

Inilahad din ni Beauty na bukas din siya sa mga puna kung may pagkakamali.

"Not everyone knows this but I don't watch myself, Í never watch any of my shows. I rather be like this, rather than mayabang ako, look at me, rather like 'di ako sure sa sarili ko then I'm open for mistakes and comments," patuloy niya.

Napapanood ngayon si Beauty sa Afternoon Prime Series na "Stolen Life," at kasama rin siya horror film na "Kampon" na ipalalabas sa Metro Danila Film Festival sa December 25. -- FRJ, GMA Integrated News