Malungkot na ibinalita ni Derek Ramsay na nakunan kamakailan ang asawa niyang si Ellen Adarna.

Sa ulat ng pep.ph, ibinahagi ni Derek ang tungkol sa pagdadalantao ni Ellen sa grand media conference ng (K)AMPON, ang entry ng Quantum Films sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2023.

"[N]u'ng nasa Spain kami, nalaman namin na preggy si Ellen. And then, unfortunately, we lost the baby," ani Derek.

"Pero at least alam namin na hindi kami baog," pagpapatuloy ng aktor. Sa pelikulang (K)AMPON, gumanap si Derek bilang si Clark Martinez na baog.

Isa sa mga naging hudyat ng pagbubuntis ni Ellen ang pagkaudlot ng kaniyang menstrual period.

"It's very quick, like nandu'n kami sa Spain for my mom’s birthday. Delayed si Ellen, she's never delayed," ani Derek. "So we knew something was up. And she got herself tested while we were there. She was positive."

Pero habang pauwi, nakaranas si Ellen ng spotting, na palatandaan na nakunan siya.

"Great news for my mom, for us [when we first found out that Ellen was pregnant]. And then pauwi [sa Pilipinas], nag-i-spotting na siya and then eventually… we lost the pregnancy,” sabi ni Derek.

"So there's nothing major, hindi niya kailangang magparaspa or anything. It was still early on in the trimester, a few weeks lang naman," pagpapatuloy niya.

Parehong hindi inasahan ng mag-asawa ang nangyari.

"We didn't know eh, kung may problema ako, may problema siya. I guess, worry lang. Hindi pa naman kasi kami nagta-try-try pa… and then 'yun, nakabuo but we lost it," sabi ni Derek.

Sa kabila ng nangyari, patuloy na umaasa raw sina Derek at Ellen na magkakaroon sila ng baby.

"So, first attempt pa lang naman and, well, successful... unsuccessful. So, 'yun lang talaga ang magiging focus namin na we can get a full pregnancy right away."

"So, at least, sadly we lost the baby, but at least alam namin na hindi kami baog," sabi pa niya.

Katunayan, ito ang birthday wish ni Derek, na nagdiwang noong Disyembre 7.

"Magka-baby na. Laging sinasabi ko, boy, pero ngayon parang gusto ko nang magka-baby girl. So, 'yan talaga ang wish. 'Yan na lang talaga ang kulang sa life ko."

Matatandaang namaalam na si Ellen sa kaniyang bisyo ng paninigarilyo at vape matapos ang 17 taon bilang paghahanda sa kaniyang katawan sa pagbubuntis.

Ikinasal noong 2021 sina Ellen at Derek, na parehong may mga anak na lalaki mula sa mga dati nilang relasyon. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News