Emosyonal na inilahad ni Alden Richards na muli siyang nakaramdam ng pangungulila sa isang ina sa kaniyang pagbibigay-pugay kay Jaclyn Jose na pumanaw noong Linggo sa edad 59.

Sa ulat ni Cata Tibayan sa 24 Oras Weekend, sinabing ngayong Sabado ang huling gabi ng lamay para sa batikang aktres.

Biyernes ng gabi nang bigyang pugay at inalala ng ilang Kapuso stars at executives si Jaclyn, kabilang si GMA Senior Vice President for Entertainment Group, Lilibeth Rasonable.

“We all know how Tita Jane loves unconditionally. So, ‘yun nga po. Parang ngayon, ‘yung nararamdaman ko po ngayon is the same feeling I felt when my mom left us… Tita Jane, paki-hello na lang po ako sa nanay ko diyan,” emosyonal na sabi ni Alden.

“Naulila na naman po ako ulit. Thank you for all the memories and thank you for bringing out the best in me. I love you so much,” pagpapatuloy ni Alden.

ADVERTISEMENT

“Cannes Best Actress, ‘di ba? Pero hindi mo siya mararamdaman ng gano'n. Talagang equal niya pakisamahan lahat ng mga tao,” pag-alala ni Andrea Torres kay Jaclyn.

“Siya ang nagpauso ng kalma acting. ‘Yung may halo siyang monotone pero punong-puno ng emosyon. Hindi kailangan tumulo ng luha pero ‘yun kasing sa mga mata niya, ‘di ba? Tumatagos na ‘yung emosyon,” sabi naman ni Gladys Reyes.

“She's a gem. So, nakakalungkot na nawalan tayo ng isang haligi na naman ng industriya,” ani Angelu de Leon.

“She's a woman and an actress who lived her life to the fullest in every little way,” sabi ni Direk Laurice Guillen.

Labis naman ang pasasalamat sa kanila ng anak ni Jaclyn na si Andi Eigenmann.

“Every night, it warms my heart to know how much everybody loved my mother,” sabi ni Andi.

“It's so amazing for me to see how much you guys loved her so much. Thank you,” dagdag ni Andi.

Nauna nang sinabi ni Andi na myocardial infarction o heart attack ang dahilan ng biglaang pagpanaw ng kaniyang ina.

Kaisa ang Cannes Film Festival sa mga nagbigay-pugay sa namayapang aktres. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News