Binalikan ni Aubrey Miles ang mga panahong nanunugod pa siya noon dahil sa pagseselos kay Troy Montero sa mga unang taon ng kanilang relasyon. Ang mag-asawa, sinabing nalampasan na ang naturang bahagi sa kanilang pagsasama.

“Back then, ako talaga [nanunugod] ako eh,” sabi ni Aubrey sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes.

Inalala ni Aubrey ang isang insidente kung saan nagalit siya kay Troy nang dahil sa selos.

“Sa Boracay. Talagang tulakan, nasa bar. May mga celebrity pa noon,” sabi niya.

“Nakatalikod sila (Troy at kausap nitong babae) na magkadikit na ganiyan. Pumasok ako sa gitna, ‘Excuse me!’ Talagang, ‘Excuse me!’ Sabi niya (babae), ‘I'm gonna go, I'm gonna leave,’” kuwento niya.

“Sabi naman nito (Troy), ‘I'm buying her a drink,’” pagpapatuloy ni Aubrey.

Ayon kay Aubrey, pakiramdam niya noong bored na bored sa kaniya si Troy dahil hindi siya umiinom.

“Tapos ‘yung girl sabi na, ‘Oh, I'm not doing anything. I'm just, you know, he's buying me a drink.’ Inglesera,” pag-alala pa ni Aubrey.

ADVERTISEMENT

Matapos nito, nag-aya na si Aubrey na umalis.

“Sabi niya (Troy), ‘No, I'm not leaving. Go to our room.’ Bago pa lang kami noon,” ani Aubrey.

“Tapos ‘yung walk out ko talagang, pina-feel ko sa buong tao na nag-walk out ako,” saad ng model-actress.

Kuwento pa ni Aubrey, may mga kakilala sila noon sa showbiz na nasaksihan ang pag-aaway nila ni Troy.

“Sinundan ako, habulan, may sampalan pa.

Sa gitna ng Boracay, rumorolyo,” natatawang niyang kuwento.

Si Troy naman, napa “Oh, my gosh” na lang sa pag-aaway nila noon ni Aubrey.

Si Troy naman, sinabing nakaranas din siya ng selos noon kay Aubrey.

“Well, it's also happened on my side,” anang aktor.

Hindi naman ito umabot sa puntong nakipagsuntukan o tulakan siya.

“May leveling ng away namin. Mga first three years namin, ang gulo, parang war,” paglalarawan ni Aubrey sa umpisa ng relasyon nila noon.

“Three to six years… Medyo, ano na, gulo-gulo. May selosan pa kasi, mga selosan stage.”

Ngunit sa pagtagal, mas tumibay pa ang relasyon nina Aubrey at Troy.

“Pagdating ng mga 10 years, iba ‘yung level na nu’ng love, patience mo, understanding. Iba-ibang stages pala. Experience talaga eh. Akala mo, alam mo na lahat in three years, five years,” sabi ni Aubrey.

May dalawang anak naman si Aubrey kay Troy: sina Hunter at Rocket.

Mahigit dalawang dekada na silang magkarelasyon ngunit nagpakasal lamang sa isang civil wedding ceremony noong 2022.--FRJ, GMA Integrated News