Inilahad ni Kaye Abad na sa kaniyang mga naging boyfriend, pinakanahirapan siyang mag-move on kay John Lloyd Cruz. Dagdag niya, hindi ito dahil sa nawalan na sila ng pag-ibig sa isa't isa.

"After ng 'Tabing Ilog', hiwalay na kami. So nahirapan ako mag-move on, kasi magkatrabaho kami, magka-love team kami. Umabot sa point na mag-asawa kami sa 'Tabing Ilog.' So nahirapan talaga," sabi ni Kaye sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes.

"Tapos nagka-girlfriend siya after ko. Hindi na niya ako pinapansin kasi nagseselos 'yung girlfriend niya sa akin. So nahirapan ako, Tito Boy," pagpapatuloy ni Kaye.

Pero nang usisain ng King of Talk si Kaye kung sino ang naging nobya ni John Lloyd noon, "secret" lamang ang kaniyang sinabi at nagbigay ng clue na "anak ng politiko."

Ayon pa kay Kaye, nakaramdam sa kaniya ng selos ang bagong nobya noon ni John Lloyd.

"And maiintindihan ko 'yung girl kasi, love team. So, hindi mo maiwasan na may kissing. So, naiintindihan ko 'yung side ng girl," sabi niya.

Inilahad pa ni Kaye na isa sa mga dahilan kung bakit siya nahirapan ay magkasama sila ni John Lloyd sa trabaho.

"Because we broke up, not because wala nang love," paliwanag niya.

Nang muling usisain ni Tito Boy tungkol sa tunay na rason ng kanilang hiwalayan, "Eh, toooot," ang pabirong sabi ni Kaye, na animo'y bleeped o censored ang sagot.

"Mamaya na lang natin… Masyado na akong maraming nashe-share," sabi pa niya.

Sa kabila nito, nananatili pa rin silang magkaibigan ni John Lloyd.

Para kay Kaye, walang problema sa kaniya kung magiging kaibigan niya ang kaniyang mga naging ex.

"For me, ha? Kasi parang… lalo na sila, 'yung mga na-hurt ko. Sorry. Kasi para, at least masaya na rin naman sila ngayon," ani Kaye.

Kasalukyang may relasyon ngayon si John Lloyd sa artist na si Isabel Santos. May anak din siya kay Ellen Adarna na si Elias.

Samantala, kasal naman si Kaye kay Paul Jake Castillo, at may dalawang anak na sina Joaquin at Iñigo. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News