Inilahad ni Rica Peralejo na nagkaroon siya noon ng relasyon na walang label kay Piolo Pascual, at napag-usapan pa nila ang settling down.

“I think you spoke about PJ (Piolo) there. You were talking about settling down but there was no relationship. Ang reaction ko, ‘Ano yun?’” saad ni Tito Boy sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes.

“‘Yun din po ‘yung reaction ko,” natatawang komento ni Rica.

“Wala na ‘yan. Walang issue na yan, that's why I can talk about it this way because I have that kind of relationship with him na alam mo tumanda na tayo, we don't really have to like fret about that anymore or fight about that,” saad pa niya.

Mas mature na raw si Rica para pag-usapan ang mga bahagi ng kaniyang nakaraan, kabilang ang kaniyang mga nakarelasyon.

“So, ano nga ‘yun?” giit na tanong ni Tito Boy.

“Hindi ko nga alam,” tugon pa rin ni Rica.

Hanggang sa ilarawan ni Rica ang naging relasyon niya noon kay Piolo.

“We existed and functioned like a couple talaga. And there were talks of like, parang hindi naman diretso pero na magse-settle down together. Pero like any other couple, ganu’n lang siya. Na maiisip mo na puwedeng mangyari ito.”

Sa kanilang pagsasama, sinabi ni Rica na bahagya nilang napag-usapan ang tungkol sa pag-settle down.

“Pero he never naman promised. I never naman really said na I wanted this. It was just something that we entertained. It never got to that point and we never labeled our relationship. But it was very, very good naman what we had together.”

Hindi na nila nilagyan ng label ang kanilang relationship.

“Wala kami talagang, parang we didn't put a label to it.”

Gayunman, hindi niya itinangging may gusto sila sa isa’t isa nina Piolo.

“I think it was very obvious that we liked each other. We loved each other but we were like more friends really na ‘yung we just like to be together a lot.”

Gayunman, sinabi rin ni Rica na hindi niya binibigyan ng malalim na kahulugan ang sinomang nagpapahiwatig sa kaniya kung wala itong kongkretong pangako.

“Parang may hints here and there ng ganito. Ako naman ang aking habit naman kahit noon nu’ng single ako lalo, Tito Boy, was hindi ako assuming na kahit na nagpapahaging hindi ko sasakyan until talagang in-offer na sa ‘yo concretely. So I didn't really ride on that whenever I would hear something and whenever I would feel something. Para sa akin, maybe there is a possibility, but let's see. Until it's really there, it's, you know, I don't consider it serious,” sabi niya.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News