Inilabas na ang official trailer ng suspense/drama film na "Green Bones" na pinagbibidahan nina Dennis Trillo at Ruru Madrid.

Unang ipinakita sa trailer ng pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Disyembre ang pag-aresto kay Domingo Zamora (Dennis), dahil sa umano'y pagpatay sa kaniyang kapatid na si Joanna Zamora-Pineda.

Susundan ito ng paglilipat kay Domingo sa San Fabian Prison and Penal Farm, ang pinakamalaking bilangguan sa labas ng Metro Manila.

Sa naturang bilangguan madedestino naman ang karakter ni Ruru (Xavier Gonzaga), at paghihinalaan niya ang plano ni Domingo na tumakas.

Subalit may mapagtatanto at mapapaisip si Ruru tungkol sa pag-uugali ng mga makakasalamuha nitong bilanggo, kasama na si Domingo.

"Puwede bang tubuan ng kabutihan ang taong nagkasala?," saad ng karakter ni Ruru.

Mag-iiwan ng palaisipan sa trailer ang mga misteryo tungkol si Domingo, kung siya nga kaya ang pumatay sa kaniyang kapatid, at kung sadya nga ba siyang kriminal?

Ang "Green Bones" ay sa direksyon ng award-winning Kapuso director na si Zig Dulay, na mapapanood sa mga sinehan simula December 25.

Base ito sa original story ni JC Rubio, senior documentary manager ng GMA Public Affairs, habang isinulat nina National Artist Ricky Lee at MMFF 2023 Best Screenplay winner Anj Atienza, ang screenplay.

Kasama rin sa pelikula sina Michael De Mesa, Ronnie Lazaro, Kylie Padilla, Iza Calzado, Sofia Pablo, Alessandra de Rossi, Wendell Ramos, at marami pang iba. — FRJ, GMA Integrated News