Sa pagdiriwang ng kaarawan ng kaniyang nobyong si Ruru Madrid, inihayag ni Bianca Umali ang pagmamahal sa aktor at sinabing karapat-dapat ang binata sa mga tinatamasa nitong biyaya ngayon.
Sa Instagram, nag-post ang aktres ng video habang pinupupog siya ng halik ng aktor. Kalakip ng post ang sweet birthday message niya kay Ruru.
“Mahal na mahal kita,” panimula ni Bianca.
“Mahal ko, karapat dapat ka sa lahat ng mga biyaya sayo ng Ama, dahil mabuti ang puso mo. Tandaan mo, ako palaging una na tatalon at papalakpak para sayo sa lahat ng mga tagumpay mo," sabi pa ng aktres.
Nagpasalamat din si Bianca kay Ruru sa pagmamahal nito sa kaniya. Nangako ang aktres na hindi niya iiwan ang nobyo.
“Ika mo nga - palagi natin pipiliin ang isa’t-isa. Habangbuhay. Maligayang kaarawan,” patuloy ni Bianca.
Inihayag naman ni Ruru ang pasasalamat sa aktres na tinawag niyang inspirasyon.
“Wala na akong hihilingin pa kundi ang makasama ka habang nabubuhay ako. Maraming salamat sa pagmamahal at pagiging inspirasyon sa akin,” sabi ni Ruru sa comment section.
Nitong nakaraang July, ipinagdiwang nina Bianca at Ruru ang kanilang sixth anniversary.
Muling bibida si Ruru sa season 2 ng "Lolong," na mapapanood simula sa Enero.
Mapapanood din si Ruru sa inspirational-drama movie na "Green Bones," kasama si Dennis Trillo, na kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Disyembre. — FRJ, GMA Integrated News