Inakusahan ang rapper na si Jay-Z ng panggagahasa sa isang 13-anyos na babae sa isang party na nangyari umano noong 2000, kasama si Sean "Diddy" Combs. Itinanggi naman ng una ang alegasyon.
Lumutang ang pangalan ni Jay-Z sa inamyendahang kaso na inihain sa federal court, ayon sa ulat ng Reuters.
Sa social media post, pinabulaanan ni Jay-Z ang alegasyon, na tinawag niyang bahagi ng "blackmail attempt" mula sa abogado ng nag-aakusa.
Gayunman, hindi kaagad sumagot ang mga abogado ni Jay-Z sa hiling na pormal na pahayag.
Orihinal na inihain ang kaso noong Oktubre sa Southern District ng New York. Nang panahong iyon, hindi pinangalanan si Jay-Z na akusado. Sa inamyendahang kaso, sinabi na si Jay-Z ang tinutukoy na "Celebrity A" sa orihinal na reklamo.
Itinanggi rin ni Combs ang mga alegasyon laban sa kaniya, kabilang na ang tungkol sa dalagita.
Nakadetine siya ngayon dahil sa mga kasong sex trafficking, kung saan naghain din siya ng not guilty plea.
Batay sa reklamo, pinagdroga at ginahasa umano ng dalawang celebrity ang dalagita na hindi pinangalanan. Nangyari umano ang krimen sa isang party na pinangunahan ni Combs matapos ang MTV Music Awards noong 2000 na ginanap sa New York.
Naghain nitong Linggo si Atty. Tony Buzbee, ang kumakatawan sa biktima, ng nasa 20 civil lawsuits laban kay Combs na inakusahan niya ng sexual misconduct.
Sa email niya sa Reuters, sinabi ni Buzbee na ang reklamo laban kay Jay-Z ay "speaks for itself."
"This is a very serious matter that will be litigated in court," saad ni Buzbee.
Sa inamyendahang kaso, sinabi ni Buzbee na nagpadala ang kaniyang legal firm ng sulat kay Jay-Z para pag-usapan ang posibleng kasunduan.
Ayon sa reklamo, tumugon ang kampo ni Jay-Z ng paghahain din ng kaso laban kay Buzbee. Sa pamamagitan umano ng "orchestrating a conspiracy of harassment" laban kay Buzbee at sa ibang mga abogado sa kanyang firm, tinawag ito na taktika ng rapper ng pagbabanta upang patahimikin ang kaniyang kliyenteng biktima.
Sa social media post, sinabi ni Buzbee na walang hinihingi na kahit "penny" ang kaniyang kliyente mula Jay-Z, at sa halip "she only sought a confidential mediation."
Noong nakaraang linggo, nagsampa ng kaso si Buzbee laban sa law firm na Quinn Emanuel Urquhart & Sullivan, na kumakatawan kina Combs at Jay-Z, at inakusahan ang legal team ng pananakot sa kaniyang mga kasamahan, mga kliyente, at pamilya.
Hindi pa umano sumasagot ang Quinn Emanuel Urquhart & Sullivan para makuha ang kanilang panig, ayon sa Reuters --mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News