Naging laman ng mga usapan sina Mavy Legaspi at Ashley Ortega matapos mag-post ang binata na masaya silang magkasama sa katatapos lang na Sinulog Festival sa Cebu. Dating na nga ba ang dalawa?
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras nitong Miyerkoles, ipinakita ang ilang IG snaps ni Mavy na magkasama sila ni Ashley, na tila "soft launch" nang isama rin niya sa post ang larawan ng dalaga na all smiles.
May picture din ang dalawa na nakatakip ng puting tela ang kanilang mga mukha.
Sa isa pang photo, namataang nakaakbay si Mavy kay Ashley, habang kasama ang kapwa Sparkle artist na si Roxie Smith at nobyo nitong non-showbiz.
Kasama pa sa Instagram post ni Mavy ang group picture nilang magkakaibigan, na nakitang nakayapos naman si Ashley kay Mavy.
"[P]it senyor! daghang salamat cebu/cebuanos! had a great sinulog festival with you guys!" caption ni Mavy.
"Pit Senyor!!," komento naman ni Ashley sa post.
Gayunman, wala pang direktang pag-amin ang dalawa sa real score ng kanilang relasyon.
Nagpaabot naman ng suporta ang netizens at fans kina Mavy at Ashley.
Namataan din ang dalawa sa mga magkakaibang okasyon, gaya ng Figure Skating Championships kung saan lumahok si Skye Chua, at ang birthday party ni GMA Network Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag sina Mavy at Ashley.
Sa isang panayam kay Mavy noong Nobyembre, sinabi niya na masaya ang kaniyang puso.
"At the end of the day, we're all just looking for happiness in our lives. Masasabi ko lang, my heart is happy, that's it," anang Kapuso actor. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News