Inihayag ni Cassy Legaspi na natuklasan na mayroon siyang hypothyroidism na kabilang sa naging epekto ang pagbigat ng kaniyang timbang.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabi na ang hypothyroidism ay kondisyon na hindi gumagawa nang sapat na hormones ang thyroid gland at bumabagal ang metabolismo ng katawan.
Dahil sa kaniyang kondisyon at nahirapan umano si Cassy na magbawas ng timbang, ayon sa panayam sa kaniya ng Kapuso Artistambayan.
Bukod sa hirap magbawas ng timbang, naging mabilis daw siyang mapagod, at nagkaroon din ng pagkalagas ng buhok.
"Fatigued ako, tapos intense falling hair. Sobra talaga!" saad ng aktres. "Tapos palagi akong nilalamig, parang may fever ako palagi, pero fever na nilalamig, parang ganoon."
Sa kabila ng pagsubok, ginawa niya itong motibasyon para maging healthy. Nag-switched din siya ng sports gaya ng tennis at paddle para sa kaniyang workout routine, at nag-pilates.
Pagdating sa diet, sinabi ni Cassy na wala siyang restrictions.
"I don't cut out carbs. I don't like restrictions because that's what got me into this mess in the first place," paliwanag niya.—FRJ, GMA Integrated News
