Inilahad ni Mark Herras na hindi pa rin niya nalalampasan ang pagsubok bunga ng pagpanaw ng kaniyang adoptive gay parents na sina Tito Hermie at Daddy Jun.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, tinanong ni Tito Boy si Mark kung paano niya nalampasan ang naranasang dagok sa buhay.
"Actually, parang, feel ko, hindi ko siya nalampasan until now. Doon nabuo 'yung depression, anxiety. Pagka meron akong sini-celebrate na death anniversary nila, minsan sobrang nagbi-breakdown ako 'pag mag-isa ako," ayon sa aktor.
"One time, I remember, I think, huminto ako sa isang expressway. So parang tinatanong ko sila, 'Did I ever say thank you to you guys?' Iyak ako, iyak ako. Kumbaga hindi ko siya nalagpasan. Hindi ako nakakapagluksa nang maayos," pagpapatuloy niya.
Sa kabila nito, sinabi ni Mark na kailangan niyang mag-move on, alang-alang sa kaniyang pamilya.
"But I need to move on. Kasi meron na akong sariling pamilya na binubuhay. 'Yung anak ko, 'yung magiging anak ko. And then my wife. At hindi naman ako pinabayaan ng mga in-laws ko, sobrang thankful, sobrang suwerte ako sa kanila," sabi pa niya.
Hindi man niya laging nadadalaw, sinabi ni Mark na niya nalilimutan at hindi mawawala sa puso niya sina Tito Hermie at Daddy Jun.
"So, imbes na mag-grieve ako, imbes na malungkot ako, mag-depress ako, at alam mo 'yun, 'yung sarili ko, pabayaan ko, eh lumalaban ako sa buhay kasi meron akong kailangan buhayin," patuloy niya.
Pumanaw si Claudio Herras, Jr. o Daddy Jun noong 2014, habang pumanaw naman ang kaniyang Tito Hermie (Herminigildo Santos) noong 2016.
Nauna nang ikinuwento ni Mark ang tungkol sa pagkakaroon niya ng gay parents at kung paano siya inaruga.--FRJ, GMA Integrated News