Laking gulat ng mga mangingisda sa Marinduque nang aksidente nilang malambat ang isang napakalaking mola-mola o sunfish. Totoo nga bang may dalang babala ang mga isdang ito kapag lumutang sa dagat? Alamin.

Sa ulat ni Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng mangingisdang si Teodorico Quimora na hindi sila makapaniwala nang makita ang isda dahil sa sobrang laki nito.

"Noon lang kami nakahuli nang sobrang laki talaga nito, hindi kami makapaniwala," saad niya.

Tinatayang anim na talampakan ang lapad ng isda at nasa mahigit 150 kilo ang bigat.

Pero kahit malaking huli sana, sinabi ni Teodorico na pinakawalan nila ang isda dahil ipinagbabawal itong hulihin batay sa utos ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources' (BFAR).

Pambihirang isda ang mola-mola na mukhang malaking plato na mayroong palikpik sa itaas at ibaba ng katawan. Pambihira din ang kanilang buntot na tila pinutol.

"Nakikita natin na absent 'yung caudal tail or caudal fin ng mola-mola," ayon kay Louie Bersano, Registered Fisheries Professional mula sa Davao Del Norte State College.

"Instead, nag-develop 'yung clavus. So 'yun 'yung ginagamit nila as [router] kung sang direksyon sila lalangoy," dagdag niya.

Kayang umabot nang hanggang 2,000 kilos ang bigat ng mola-mola, na mabigat pa sa isang sasakyan. Kaya itinuturing itong heaviest bony fish sa dagat.

May ibang naniniwala na may dalang babala o masamang pangitain tulad ng lindol kapag may lumitaw na mola-mola dahil madalas lang silang makita sa ilalim ng dagat.

Kaya naman kapag umahon o lumutang ang mga mola-mola, pinaniniwalaan ng ibang tao na may naramdaman silang pagbabago sa ilalim ng dagat, ngunit walang pag-aaral na magpapatunay nito.

Ayon kay Kuya Kim, batay sa mga pahayag ng mga dalubhasa, ang paglutang ng mga mola-mola ay maituturing normal behavior upang magpaaraw o sunbathing sila. Paraan din ito upang maalis din ang mga parasites na kumapit sa kanilang katawan.

Ang pagpapaaraw ng mga mola-mola ang dahilan kaya naman tinawag silang “sunfish.” — FRJ GMA Integrated News