Nagsalita na ang "SexBomb husbands" na sina Joshua Zamora at Alex Castro tungkol sa mga pahayag ni Alvin Aragon tungkol sa pagsusuot ng sexy costume ng sikat na all female dance group.

Si Joshua ang asawa ni Jopay Paguia, habang si Sunshine Garcia naman ang misis ni Alex Castro. Dating miyembro rin ng Sexbomb ang asawa ni Alvin na si Izzy Trazona.

Sa kanilang guesting sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, hiningan ni Tito Boy ng komento ang dalawa, lalo’t binanggit ni Alvin ang pangalan ni Alex sa ilang pahayag nito.

Sinabi ni Alex na nangyari ito pagkatapos ng Valentine’s Day kung saan galing sila sa isang date ni Sunshine. Nagising sila sa mga mensahe matapos maging viral ang mga pahayag ni Alvin.

"Siguro 'yung naging assessment ko lang du'n sa nangyari, may kaniya-kaniya tayong paano 'yung paniniwala natin, paano 'yung relasyon natin sa asawa natin, paano natin suportahan," sabi niya.

"Kapag kasi kinompare (o inihalintulad) mo na 'yung sarili mo sa iba, at sasabihin mong ikaw ang tama at mali 'yung isa, dun na po nagkakaroon ng problema," dagdag pa niya.

Ayon kay Alex, hindi na siya nagkomento noon dahil nirerespeto niya ang sinabi ni Alvin.

"Saka ang dami ko pong dapat intindihin sa Bulacan para patulan po 'yung ganung issue," sabi niya.

Sinabi rin ni Alex na hindi siya galit kay Alvin.

"'Yung sinasabi niyang nagnanasa, du'n sa tumitingin du'n 'yung may problema, hindi du'n sa sumasayaw," sabi niya.

Si Joshua naman, sinabing pareho sila ni Alvin ng simbahan pero dapat maging maingat sa pagpapahayag dapat ng mga pananaw.

"Many of us, 'yung freedom, meron talaga tayong ganiyan eh, 'yung freedom to talk anything. But at the same time, gaya ng sinabi ni VG (Alex), kailangan mag-ingat tayo," aniya.

"Kung wala ka nitong conviction, kahit ano na lang puwedeng itapon eh. So parang nawawala 'yung wisdom on how you will say it, nawawala 'yung love, being compassionate," sabi ni Joshua.

Sa isang party kasama ang mga asawa ng Sexbomb Girls, sinabi nilang hindi nila masyadong pinag-usapan ang mga pahayag ni Alvin. Sinabi ni Alex na nabanggit ito, ngunit walang nagsabi kung sino ang tama at mali.

Samantala, tinanong sina Joshua at Alex kung sang-ayon sila sa pahayag ni Alvin na ang mga lalaki ang dapat maging hari ng tahanan, habang ang mga babae at mga anak ay dapat magpasakop.

Para kay Joshua, tungkol ito sa paggalang ng partner.

"For me, it's kung ano 'yung strength ng partner ko, kung ano 'yung strength niya, 'yun ang sinusunod namin. Alam din naman niya in the same way kung ano 'yung strength ko, 'yun din 'yung masusunod," sabi niya.

Para kay Alex, hindi lamang ito tungkol sa pamumuno kundi pagiging isang mabuting halimbawa.

"Kaming dalawang mag-asawa, hindi pupuwedeng ako lang naman ang laging masusunod. Parehas kung ano 'yung napag-usapan naming dalawa, 'yun 'yung masusunod." -- Nika Roque/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News