Inilahad ng award-winning actor na si John Arcilla na handa niyang isakripisyo ang pera kung ang kapalit naman nito ay paglikha ng mga magaganda o de-kalidad na mga proyekto.

"Magiging praktikal ako. Ako hina-haggle ko lagi na parehong pantay ang aking sining at pantay ang aking presyo. Hindi ako pumapayag na quality lang, walang financial gain, hindi ako pumapayag na financial gain lang, walang quality," paliwanag ni John sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles.

Gayunman, hindi niya itinangging may mga pagkakataong may mga pelikulang mahusay ang pagkasulat at direktor, ngunit wala masyadong talent fee.

"Hangga't maha-haggle 'yan ng management ko, doon ang standard ko. Pero kapag may kailangang i-sacrifice, it's money. It's really money," saad niya.

"Sina-sacrifice ko kapag sinabi na 'Ito lang talaga,' pero gusto ko. Okay lang," pagpapatuloy ni John.

Noong 2021, nagwagi si John ng Volpi Cup for Best Actor award sa Venice International Film Festival para sa kaniyang performance sa pelikulang "On the Job: The Missing 8," na nagpanalo rin sa kaniya bilang Best Actor sa Gawad Urian Awards.

Kilala rin si John sa magaling niyang pagganap bilang si Heneral Antonio Luna sa pelikulang "Heneral Luna." -- FRJ, GMA Integrated News