Pasok ang pelikulang "Balota" ni Marian Rivera sa "Top 10-Non English Movies Worldwide" ng subscription-based streaming service na Netflix.

Sa isang post ng GMA Pictures, nasa pang-walong puwesto ang naturang pelikula na naging entry sa Cinemalaya noong nakaraang taon.

Kamakailan lang, nagpasalamat ang Kapuso Primetime Queen na nag-number 1 ang "Balota" sa Philippines movies sa Netflix nang una itong ipalabas nitong nakaraang Enero 31.

Sa ngayon, No. 2 ang "Balota" sa "Top 10 Movies in the Philippines Today" ng Netflix.

Sa kaniyang pagganap sa pelikula bilang si Teacher Emmy, nakamit ni Marian ang kaniyang unang Best Actress award mula sa Cinemalaya Film Festival.

Sa direksyon ni Kip Oebanda, ipinalabas ang "Balota" sa Cinemalaya 2024, at sunod na napanood sa mga sinehan noong nakaraang Oktubre.

Ang pelikula ay tungkol sa dayaan at karahasan sa halalan, at ginawang pagprotekta ni Teacher Emmy sa balota na pinaglalagyan ng huling kopya ng election results. —FRJ, GMA Integrated News