Nag-post ng video clip si Philmar Alipayo na kasama ang kaniyang fiancée na si Andi Eigenmann, at mga anak nila na si Lilo at Koa, ilang araw matapos ang tila hidwaan nila na lumabas sa social media.
Nitong Lunes, nag-post si Philmar sa Facebook ng clip na makikitang masaya si Andi at ang mga bata.
“It all went way [too] far and should have been handled in private," saad ni Philmar na may heart emoji. "Ok na kami sanan ok ra kami.”
Nitong nakaraang Biyernes nang mapansin ng kanilang mga follower na nag-unfollow sa isa't isa sina Andi at Philmar sa Instagram.
Nasundan ito ng mga cryptic post sa Instagram stories na dahilan para isipin ng netizens na baka may pinagdadaanan ang pagsasama ng dalawa, at may espekulasyon pa na baka may third-party.
Si Andi, nag-post ng screenshot sa tanong niya sa ChatGPT tungkol sa isang babae na kaibigan ni Philmar na gustong magpalagay ng couple's tattoo sa kaniyang fiance.
Sa IG Stories naman ni Philmar, inihayag niya batay sa translation na, "For whatever you all read is true, then so be it. There's no hiding because it will be more difficult."
Bagaman walang pangalan na tinukoy si Andi, nakaladlad sa isyu ang Swedish photographer na si Pernilla Sjoö, na lumabas ang mga larawan sa social media na kasama si Philmar.
Engaged na sina Andi at Philmar noong 2020, at plano sana nilang magpakasal noong 2024 pero hindi natuloy nang biglang pumanaw ang ina ni Andi na si Jaclyn Jose. — FRJ, GMA Integrated News