Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, ibinahagi ng Kapuso actress na si Katrina Halili ang ipapayo niya sa kaniyang anak na si Katie pagdating sa pag-ibig.

Ayon kay Katrina, inspired at masaya siya ngayon nang tanungin ni Tito Boy tungkol sa lagay ng kaniyang puso.

“Inspired lang ako,” matipid at natatawang tugon ni Katrina. “Masaya. Masaya lang.”

Tinanong din ni Tito Boy kung nais ba ni Katrina na maging tahimik na muna ang kaniyang puso, sabi ng aktres, "Yes. Ayun na nga Tito Boy, masaya."

Isang taon na ang nakararaan nang pumanaw ang nobyo ni Katrina na si dating Wao, Lanao Del Sur Vice Mayor Jeremy Guiab, dahil sa sakit sa puso.

Sa naturang panayam, tinanong din ni Tito Boy si Katrina kung ano ang leksyon na maibibigay niya sa kaniyang anak na si Katie patungkol sa pag-ibig.

“Love yourself muna. ‘Yun 'yung una kong ituturo sa kaniya,” saad niya.

Ayaw umano ni Katrina na matulad sa kaniya ang anak na naghanap ng pagmamahal mula sa maling tao at sa maling pagkakataon.

“Kasi nga po feeling ko, wala akong sinabi, baka magalit mama ko. Feeling ko lang, hindi ako love [ng nanay ko] pero love ako ng nanay ko by actions, hindi salita 'di ba po. Feeling ko, so hinanap ko ‘yung love sa labas," paliwanag ni Katrina.

"So ayaw kong ganoon ang maramdaman ng anak ko. Kailangan sa akin niya maramdaman ‘yung love, hindi niya hahanapin kung kani-kanino,” patuloy niya.

Pagdating ng panahon na liligawan na si Katie, sinabi Katrina na hindi dapat kalimutan ng anak ang respeto sa sarili.

"'Pag mahal mo sarili mo and nirerespeto mo 'yung sarili mo, OK naman ‘yung pupuntahan mo eh,” patuloy ng aktres.

Anak ni Katrina si Katie sa dating nobyo na si Kris Lawrence. Nauna nang sinabi noon ng aktres, na may co-parenting setup sila ng singer.

Nang tanungin naman kung ano ang pipiliin ni Katrina-- karera o pag-ibig-- tugon niya, pareho.

Mapapanood si Katrina sa GMA Afternoon Prime series na “Mommy Dearest,” kasama sina Camille Prats at Shayne Sava. — FRJ, GMA Integrated News