Ilang beses na umanong may kumatok sa bahay ng Kapuso actress na si Pokwang mula sa mga taong nabiktima ng scammer na gumamit ng lokasyon ng kaniyang bahay sa Antipolo bilang staycation resort at naniningil ng pera sa mga biktima.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing dumulog si Pokwang sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) para i-report ang Facebook page na “Sunnyside Resort,” na hindi umano totoo.

“Magaganda yung mga pino-post doon sa account niya…Ikaw naman ma-e-enganyo ka talaga. Pero wala talagang ganoong resort,” ayon kay Pokwang.

Sinabi ni Pokwang na mula pa noong Disyembre may kumakatok nang mga biktima sa kaniyang bahay na inakalang totoo ang na-book nilang staycation house.

Sa kasamaang-palad, hindi na umano nababawi ng mga biktima ang naibayad nila sa scammer.

“Minsan, sa loob ng isang araw, ang kumakatok na tao dito, tatlo hanggang limang biktima sa isang araw lang ‘yun. At karamihan doon, nagda-down na,” ani Pokwang.

Hindi malaman ng aktres kung bakit ang bahay niya ang naisipan ng scammer na gamitin. Naglagay na rin siya ng abiso sa labas ng gate na private property ang kaniyang bahay.

“Natatakot ako para sa family ko. Nilagay mo sa risk yung buhay ng pamilya ko. Hindi kita titigilan. Kakasuhan ko siya,” deklara ni Pokwang laban sa scammer.

Nagpaalala naman ang NBI sa publiko na mag-book lamang sa mga lehitimong nag-aalok ng staycation upang hindi maloko.

“Kailangan mag-book sila sa regulated platforms natin. Since they are regulated… nakakasiguro tayo na mabo-book natin,” sabi ni NBI Cybercrime Division Executive Officer Vanessa Asuncion.

“Secondly, mag-ocular…. make sure that the owner… legally allowed by the owner,” dagdag niya. -- FRJ, GMA Integrated News