Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, tinanong ang Kapuso at entrepreneur na si Kiray Celis kung engaged na ba sila ng kaniyang non-showbiz boyfriend na si Stephan Estopia.
“No," tugon ni Kiray tungkol sa tanong kung engaged na sila ni Stephan. "Of course ikaw ang unang makakaalam nu'n."
Sinabi pa ni Kiray na, “Pero kasi, Tito Boy, actually, sobra ko siyang pini-pressure. Sabi ko 'Gusto ko ganitong singsing ha. Dapat ganito kamahal. Pero kasi feeling ko, reasons ko lang 'yon.”
Ayon pa kay Kiray na tila nararamdaman ng kaniyang nobyo na hindi pa siya handa na lumagay sa tahimik.
“Siya, lagi niya sinasabi, ‘Sobrang ready na ako. Hindi pa ba?’ Parang hindi niya pa nararamdaman na ready ako,” ani Kiray.
Pero ipinaalala ni Tito Boy ang kuwento nina Kiray at Stephan na umpisa pa lamang ng kanilang relasyon, kasal na ang intensyon ng nobyo.
“Hindi. Umpisa pa lamang, gusto na niyang magpakasal. I remember that story. First year niyo pa lamang, Stephan wanted to marry you already,” saad ng King of Talk.
Pag-amin ni Kiray, hindi pa siya handa at "late bloomer" siya pagdating sa pag-ibig.
“Noong una, inisip ko ‘yung mama ko. Pero ngayon, ako pala talaga ‘yung hindi ready. Late bloomer ako, Tito Boy. Ngayon ko palang napi-feel na parang, uy, parang, feel ko ngayon pa lang ako nagdadalaga," sabi niya.
Matatandaang binigyan ni Stephan noon si Kiray ng isang promise ring.
Ipinagdiwang nina Kiray at Stephan ang kanilang ikalimang anibersaryo nitong nakaraang Disyembre.--FRJ, GMA Integrated News

