Kinilig si Ysabel Ortega sa pag-apruba sa kaniya ni Mommy Grace Tanfelix, na sinabing “Okay na okay na okay” siya bilang girlfriend ng anak nitong si Miguel.

“Palagi kong sinasabi kay Miguel, sobrang nagpapasalamat ako na napaka-welcoming ng family niya,” sabi ni Ysabel sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Huwebes.

Ayon kay Ysabel, mas napamahal pa siya lalo sa pamilya ni Miguel.

“I care for them na rin, napalapit na rin ako sa kanila,” anang Sparkle star.

Disyembre 2023 nang aminin nina Miguel at Ysabel na exclusively dating sila.

Sa isang "Fast Talk with Boy Abunda" episode noon ding 2023, sinabi ni Miguel na hindi lang niya nililigawan si Ysabel, kundi "mahal na mahal ko siya." 

Kamakailan lang, nag-post din si mommy Grace ng larawan na kasama niya sina Miguel at Ysabel.

“Kung saan masaya ang anak ko, doon din ako,” saad niya sa caption na may kasamang blue heart emoji.
-- FRJ, GMA Integrated News