Inilahad nina Derrick Monasterio at Royce Cabrera na nakatanggap sila noon ng mga indecent proposal. Si Royce, sinabing umabot ang alok sa milyong pisong halaga.

"Yes po, before. Dumaan lang din po kasi sa manager ko before," kuwento ni Royce sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes.

"Hindi naman totally, pero sa kaniya (manager) nakuha 'yung contact ko, tapos biglang nag-offer ng ganiyan, naglatag. So parang nagulat kami," pagpapatuloy niya.

Sa kaniyang pagka-alala, nanggaling ang alok mula sa taga-LGBT community.

"Umabot din ng millions," pag-amin ni Royce.

Si Derrick naman, nakatanggap din sa pamamagitan ng text.

"Naranasan ko rin po Tito Boy, pero through text lang. Hindi ko alam kung nang-i-scam or totoo pero may nagbigay ng number ko sa kaniya tapos tinext niya ako. Very direct," kuwento ni Derrick.

Dahil sa kanilang mga naranasan, tinanong ni Tito Boy kung nakaramdaman sila ng pambabastos.

"Ako Tito Boy, tiningnan ko na lang 'yung positive side. Na parang, okay napansin ako nito tapos willing na maglatag ng ganito. So sabi ko, 'Nandito na ako sa status na ito, hindi ko na ma-imagine marating ko," sabi ni Royce.

"Mindset shift, ganoon talaga," tugon naman ni Derrick.

Sa naturang episode rin, inilahad nina Derrick at Royce ang depenisyon nila ng sexy.

"For me sexy is stability. 'Pag stable ka sa buhay, alam mo ang goals mo, 'pag meron kang direction," sabi ni Derrick, na idinagdag na ang pagiging sexy ay "nothing to do with the body."

"Ako naman para sa akin Tito Boy, discipline. Consistent ka sa anumang bagay na ginagawa mo, tulad ng working out," sabi ni Royce.

"Kaya siguro meron din kaming ganitong klase ng physique kasi, meron kaming disiplina. Consistent kami sa kung ano 'yung goal namin sa body namin."

Bida sina Derrick at Royce sa "Slay," na kauna-unahang Viu Original ng Kapuso Network.

Nagsimula na itong mapanood sa Viu Philippines noong Marso 3, at mapanonood naman sa GMA sa Marso 24. May dalawa itong magkaibang bersyon sa TV at sa streaming platform.

Kasama rin sa cast sina Jay Ortega, Gil Cuerva, Phoemela Barranda, Tina Paner, Chuckie Dreyfus, at Simon Ibarra.-- FRJ, GMA Integrated News