Evicted na sa Bahay ni Kuya sina Charlie Fleming at Kira Balinger sa ikalawang eviction night ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition.”
Nominado ang duo nina Charlie at Kira noong nakaraang linggo, kasama ang mga duo nina Michael Sager at River Joseph, at AZ Martinez at Ralph De Leon.
Nakatanggap ang kanilang duo ng pinakamababang percentage ng mga boto para makaligtas, na nakakuha lamang ng 29.99%.
Sina AZ at Ralph ang nakakuha ng may pinakamataas na percentage na 37.24%, habang nakatanggap naman ng 32.77% ng mga boto sina Michael at River.
Matatandaang sina Ashley Ortega at AC Bonifacio ang mga unang housemate na umalis sa Bahay ni Kuya sa unang eviction night.
Napanonood ang mga bagong episode ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition” sa GMA Network ng 10 p.m. ng weekdays at 6:15 p.m. sa weekend. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News