Inihayag ni Phoemela Baranda ang tunay na dahilan kung bakit niya kailangang itago noon ang kaniyang anak na si Kim.

Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda," sinabi ni Phoemela na “doing very good” ang anak na si Kim na 26 taong gulang na ngayon.

“Thank you—because of Tito Boy’s help nanaman, narating ko na ngayon siyempre ‘yung gusto ko na maging ina kay Kim,” sabi niya.

Pag-alala ni Tito Boy, 18 pa lang si Phoemela noon nang magbuntis siya kay Kim at 19 naman ipanganak ito. Ngunit unang ipinakilala si Kim bilang pamangkin ni Phoemela at pagkatapos ay bilang kaniyang kapatid.

“We went through a lot because my mom, ‘yung mommy ko ‘yung naging nanay niya na, of course, passed away and ‘yung big ano namin ‘yon, big challenge namin or malungkot na parte ng buhay namin ‘yon,” ani Phoemela.

Inamin niyang iba ang maturity level niya noon.

“Nung 20s ako, talagang isip-bata. Hindi ako handa. Hindi kaya,” sabi niya.

Ayon pa sa aktres at model, desisyon ng kaniyang ina na itago muna ang tunay na pagkakakilanlan ni Kim noon.

“I agreed to that because that time kasi as a model, talagang maraming morality clause, marami akong contract na mawawala. Nakakontrata ako sa ganitong product, shampoo, sabon, lahat ‘yan, they’re very strict sa morality clause,” sabi niya.

Dagdag pa niya, mawawalan siya ng trabaho kapag isiniwalat niya noon na may anak siya kahit hindi kasal.

“But sobrang ibang-iba na ngayon, ‘di ba? Ngayon, talagang lahat ‘yan, accepted naman. So that time, I had to do it for my family para hindi kami mawalan ng income, siyempre,” sabi niya, na idinagdag na siya ang breadwinner ng pamilya.

Sinabi rin ni Phoemela na nakausap niya si Kim ilang taon bago niya ginawa ang rebelasyon sa TV.

“Medyo nahirapan siya kasi talagang para kaming magkapatid up to now. Actually para kaming sisters,” sabi niya. “Alam mo, swerte ako, Tito Boy. Hindi siya nagalit sa ‘kin. Feeling ko naman walang resentment. Naintindihan niya.”

May koneksyon din ngayon si Kim sa kanyang ama.

“She turned 21, and sabi ko it’s time for her to meet her father talaga, na magkaroon na kayo ng relasyon. Kasi na-meet naman niya ‘yung daddy niya before. But to have a relationship with the father is very important para mabuo din siya,” sabi ni Phoemela.

Kasalukuyang napanonood si Phoemela sa unang Viu Original series ng GMA na "Slay," kung saan gumaganap siya bilang controlling mother ng karakter ni Gabbi Garcia.

Kasama rin sa serye sina Julie Anne San Jose, Mikee Quintos, Ysabel Ortega, Derrick Monasterio, Royce Cabrera, Jay Ortega, Gil Cuerva, Tina Paner, Chuckie Dreyfus, at Simon Ibarra.

Mapapanood ang "Slay" sa GMA Network mula Lunes hanggang Huwebes, 9:25 p.m. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News