Nagpaabot din ng pakikiramay ang ilang international news outlets sa pagpanaw ng "Superstar" ng Philippine showbiz na si Nora Aunor.Sa kanilang artikulo, inilarawan ng British publication na BBC News si Nora bilang isa sa "Philippines' most celebrated film stars," habang tinukoy naman ng Associated Press (AP) ang National Artist bilang isa sa “Philippines’ biggest stars” at kinilala ang kaniyang mga kontribusyon sa Philippine entertainment industry.BALIKAN: Ang kuwento ng buhay at tagumpay ni Nora AunorNagbigay-pugay din ang publikasyon sa UK na The Independent sa aktres na tinawag nilang “most revered figure in the Philippine film.”Habang inilarawan ng Gulf News, na isang pahayagan sa wikang Ingles sa Dubai, ang kaniyang pagpanaw "leaves behind a legacy of groundbreaking films, music, and cultural milestones.”Kinilala naman ng British tabloid na Daily Mail si Nora bilang “Filipino movie icon” at ibinahagi ang ilan sa mga pinakamagagandang naganap sa kaniyang karera.Ang pahayagang Pakistani na Express Tribune ay nakiisa sa pagpupugay kay Nora na inilarawan nila bilang isang “legendary actress,” at “one of the most recognised figures in Philippine entertainment.”Mabilis na bumuhos sa social media ang mga pakikiramay mula sa mga Filipino celebrity gaya nina Vilma Santos at Dingdong Dantes.Pumanaw si Nora nitong Miyerkoles sa edad 71.Nagbigay-pugay din ang mga anak ni Nora na sina Lotlot at Matet De Leon sa kanilang ina sa social media, habang ang apo niya namang si Janine Gutierrez ay nagpost din ng makabagbag-damdamin mensahe sa Instagram.Tinaguriang "Superstar," kinilala si Nora bilang National Artist for Film and Broadcast Arts noong 2022. Nakilala siya sa kaniyang mga iconic role sa mga pelikulang "Himala," "Bona," at "Minsa'y Isang Gamu-gamo."Kabilang sa mga huli niyang pelikula ang "Mananambal," kung saan nakasama niya si Bianca Umali, at "Pieta," kung saan nakasama niya si Alfred Vargas.Noong nakaraang taon, napanood din siya sa GMA Afternoon Prime series na "Lilet Matias: Attorney-at-Law," na pinagbibidahan ni Jo Berry. Dati na rin silang nagkatrabaho sa 2018 Kapuso series na "Onanay."Kilala rin bilang sikat na mang-aawit si Nora, at ilan sa kaniyang mga kanta ang "Pearly Shells" at "Tiny Bubbles."Ikinasal siya kay Christopher de Leon noong 1975, ngunit naghiwalay sila kalaunan at na-annul ang kanilang kasal noong 1996. Mayroon silang limang anak: sina Ian, Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth.-- mula sa ulat nina Jade Veronique Yap at Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News