Natuldukan na ang matagal na paghahanap ni Rabiya Mateo sa kaniyang ama na nasa Amerika pero aminado siya na hindi niya inaasahan ang naging resulta nito.Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas, ibinahagi ng Pinay beauty queen ang naging resulta ng kaniyang pagbabakasyon sa Amerika, kasama na ang pakikipag-ugnayan sa ama na iniwan sila noong bata pa siya."Matagal ko na talagang plano, matagal ko nang hinihingi sa GMA 'yung bakasyon na 'to because I wanted to be connected with my dad and nangyari naman siya," anang aktres."Pero hindi lang sa resultang ine-expect ko or gusto ko. However, it's the closure that I needed," dagdag niya.Hindi ibinahagi ni Rabiya ang detalye nang pagkikita nila ng ama pero nalaman niya na may mga kapatid siya rito.Patuloy siyang umaasa at iniiwan niyang bukas ang kaniyang pinto para sa itinuturing niyang mga kapamilya sa Amerika."At least I was able to know na may kapatid ako sa kaniya, may dalawa akong kapatid and may totoong tatay ako and I’m happy that he's okay. 'Yun 'yung importante doon. So, anytime naman, bukas 'yung pintuan ko for my family sa US," sabi ni Rabiya.Sa isang panayam sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" noong 2020, ibinahagi ni Rabiya na limang-taong-gulang lang siya nang iwan sila ng kaniyang ama na isang American citizen.Nagpaalam umano noon ang kaniyang ama sa kaniyang ina nakukuha ng licensure exam for medicine sa Chicago, at saka sila kukunin pero hindi na ito bumalik sa kanila.Sa hiwalay na panayam sa "Updated with Nelson Canlas" noong 2022, sinabi ni Rabiya na wala siyang sama ng loob sa kaniyang ama. Tanging hangad niyang malaman kung maayos ang kalagayan nito."Wala akong bitterness sa heart ko towards him kasi I know kahit masakit iniwan niya kami, may rason siya. At actually, hindi ko na nga kailangan marinig 'yung rason na 'yon. Ang gusto ko lang malaman okay siya, safe siya, at kung kailangan niya 'ko bilang anak, I'm gonna be there to serve him," ayon kay Rabiya.Sa kabila ng nangyari, sinamantala na rin ni Rabiya ang kaniyang bakasyon at sinubukan ang extreme sports sa US tulad ng sky diving. -- FRJ, GMA Integrated News