Naghain ng not guilty plea sa kasong acts of lasciviousness ang aktor na si Archie Alemania, na isinampa laban sa kaniya ng singer-actress na si Rita Daniela.Sa Chika Minute report ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, pinagbigyan ng korte sa Bacoor, Cavite ang hiling ng kampo ni Alemania na huwag pag-usapan sa publiko ang merito ng kaso.Tumanggi na rin ang kampo ni Alemania na magbigay pa ng pahayag kaugnay sa nangyaring pagdinig.Una rito, nagpalabas ng arrest warrant ang korte laban kay Alemania kaugnay sa naturang asunto na puwedeng piyansahan.Nakaharap din ni Daniela sa Alemania sa naturang pagdinig, kasama ang kaniyang abogado na si Atty. Maggie Abraham-Garduque."I feel bad. I mean, ako, I know my truth and I know God is with me and kahit anong mangyari, kahit gaano pa katagal, lalabas at lalabas 'yung totoo," ani Daniela.Base sa reklamo ni Daniela, sinabi ng aktres na hinalikan at hinawakan siya sa dibdib ni Alemania nang walang pahintulot. Makailang ulit din umano nagbitaw ng mga hindi kaaya-ayang pananalita ang aktor laban sa kaniya.Nangyari ang insidente matapos ang dinaluhan nilang thanksgiving party noong Setyembre 2024. --FRJ, GMA Integrated News