Binalikan ng standup comedienne na si Boobsie ang nakatutuwa niyang alaala noong kabataan niya nang minsan nakapulot sila ng wallet na may pera. Ang hiniling niyang gantimpala sa pagsauli nito, P20.00 na pambili ng hula hoop.Sa vodcast na “Your Honor,” inalala ni Boobsie na nasa bahay siya ng kaniyang kaibigan noon nang makita niyang nahulog ang wallet ng ina nito.“Sinabi ko namang nahulog, hindi niya ako siguro napansin. Ako kasi nakakita ng wallet niya eh. Ngayon, kaysa makuha ng iba, tingin-tingin mo na ako na ganiyan. Ako na ‘yung kumuha,” natatawang kuwento ni Boobsie.Dahil nagsiuwian na sila, ipinaalam na lang ni Boobsie sa ina ang tungkol sa napulot niyang wallet na pagmamay-ari ng kanilang kakilala.“Sinabi ko sa mama ko, ‘Mama, ‘di ba ‘pag sinabing magsasauli ng hindi para sa iyo, mabait ka, mabuti kang tao, sabi niya, ‘Oo anak.’ ‘Ito Ma, may nakuha kong wallet nahulog ni ate. Tinatawag ko siya, hindi niya naman ako napansin. So, kinuha ko na lang,’” patuloy ni Boobsie.Ang bata pa noong si Boobsie, humirit naman ng “premyo” mula sa ina dahil sa kaniyang pagiging mabait.“‘Di ba ‘pag gumawa ka ng mabuti, may gantimpala? Ma, P700 ‘to binilang ko. Baka puwede natin ibili ng hula hoop ‘yung reward para sa akin,” natatawa niyang kuwento.“‘Di ba, Mama, puwede naman tayong kumuha ng kahit P20 dito. Basta reward lang sa akin kasi mabuti akong tao, mabuti akong bata,” sabi pa niya.Pinuntahan nila ang may-ari ng wallet para isauli ito at pinabilang ang laman kung tama. Sabi ni Boobsie, napansin ng may-ari na kulang ng P20.00.Gayunman, umamin ang ina na ipinambili na ito ni Boobsie ng hula hoop.“‘Ito na nga, reward niya raw ‘yun kasi mabuti siyang tao,’” kuwento pa ni Boobsie na paliwanag daw ng nanay niya.Hindi naman daw nagalit ang may-ari ng wallet. Katunayan nagbigay pa ito ng P80.“‘Pag mabuti kang bata, magsasauli ka ng hindi sa iyo, meron kang reward. Kaya tandaan niyo iyan, bawal magnakaw, pero puwede kang magparamdam agad,” biro ni Boobsie. -- FRJ, GMA Integrated News