Nagluluksa ang aktres at singer na si Maymay Entrata sa pagpanaw ng kaniyang butihing ina.
Sa Instagram post nitong Biyernes, ibinahagi ni Maymay ang video ng kaniyang ina, na may kasamang sulat.
“Mahal kong Inay, Isang malaking karangalan na ikaw ang naging Inay ko. Matapang mong hinarap ang lahat ng pagsubok at sakrpisyo para maitaguyod kaming buong pamilya,” saad ni Maymay.
“Mamimiss kita Inay, mamimiss ko ang taong nagmahal at habang buhay mamahalin ako ng buo,” dagdag niya.
Ayon kay Maymay, natutunan niya sa kaniyang ina ang magmahal nang walang hinihintay na kapalit.
“Sa ‘yo ko natutunan ang mag mahal ng walang kapalit at habang buhay dala dala ko lahat ng natutunan ko mula sayo,” patuloy niya.
“Mahal na mahal kita Inay ko at wala akong pinagsisihan sa lahat ng sakripisyo kong makita ka lang maging masaya lagi,” dagdag niya. “Hanggang sa muli nating pagkikita mahal kong Inay.”
Sa patatapos ng kaniyang sulat, pinayuhan ni Maymay ang kaniyang followers na sakapin at ipahayag ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga mahal sa buhay habang kasama pa nila.
“Huwag kayong maghintay ng huli bago magsimulang magmahal nang buo,” payo niya.
Sa mga nakaraang ulat, sinabing nagtatrabaho sa Japan ang ina ni Maymay, at nakikipaglaban sa sakit na cancer.
Sumasailalim din sa dialysis dahil sa komplikasyon sa baga ang lola ni Maymay na nagpalaki sa kaniya. — FRJ, GMA Integrated News

