Inaresto ang American singer-songwriter na si Chris Brown dahil sa pananakit umano sa isang music producer gamit ang isang bote habang nasa isang nightclub sa London noong 2023.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing batay sa ulat ng local media, dinakip si Brown sa kaniyang hotel sa Manchester.
Kinumpirma naman ng Metropolitan Police ng London na may inaresto silang isang 36-anyos na lalaki dahil sa "suspicion of previous bodily harm."
Mayroon itong kaugnayan sa isang insidente noong Pebrero 2023. Nasa kustodiya na nila ang lalaki.
"He has been taken into custody where he remains. The arrest relates to an incident at a venue in Hanover Square on 19 February 2023," ayon sa isang tagapagsalita ng pulisya.
Hindi pa nagbibigay ng komento ang kampo ng singer-songwriter kaugnay nito. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
