Dalawang Pinoy actor ang kasama sa Seasons 2 at 3 ng Netflix series na “Avatar: The Last Airbender.”
Inanunsyo ng Netflix nitong Miyerkoles ang pitong bagong cast members ng Avatar, kasama ang mga Pinoy na sina Dolly de Leon at Jonjon Briones.
Gaganap si Dolly na kambal na sina Lo at Li, na magiging elderly advisers at fire-bending instructors para sa Fire Princess na si Azula.
Samantala, gaganap naman ang Filipino-American na si Jonjon bilang isang swordmaster at White Lotus warrior
Sina Dolly at Jonjon ang pinakabagong madadagdag sa listahan ng mga Pinoy actor sa cast, kasama si Lourdes Faberes, na gaganap naman na Earth Kingdom officer na si General Sung.
Pinagbibidahan ang serye ng Filipino-Canadian actor na si Gorden Cormier bilang si Aang, ang siyang “Last Airbender.”
Ang iba pang karakter sa serye ay sina Fei (Madison Hu), Yangchen (Dichen Lachman), Ursa (Lily Gao), Jeong Jeong (Terry Chen), at Hama (Tantoo Cardinal).
Sa isang tweet, inihayag ng mga main cast na natapos na nila ang shooting sa 2nd season at sinimulan na ang production para sa 3rd season.
Sa isa namang pahayag, sinabi ni Dolly na "extremely excited and honored" siya na maging bahagi ng naturang live-action version of the animated classic
"It's my first time to play twins, which is the best fun in a creative process," ani Dolly. "It's a dream come true."
Bago nito, kasama rin si Dolly sa American TV series na "Nine Perfect Strangers" Season 2.
Ipinalabas ang unang season ng “Avatar: The Last Airbender” noong February 2024. -- FRJ, GMA Integrated News