Makakasama ni Alden Richards sa upcoming show na “Stars on the Floor,” sina Marian Rivera, Pokwang, at SB19 choreographer na si coach Jay. May hirit din silang dapat abangan sa dance contest.
Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing magsisilbing dance authority panel o judge sa "Stars on the Floor” sina Marian, Pokwang, at coach Jay, habang host naman si Alden.
“Ang sarap magtrabaho na lahat sila parang ang gaan katrabaho. Actually, nili-look forward ko palagi. Sabi ko nga kay [Dingdong Dantes], ‘Bakit ganun? ‘Pag-uuwi ako ng bahay, hindi ako nakakatulog, parang ang taas nung energy.’ Tawa siya nang tawa sa akin. Sabi niya, ‘Ano bang pinaggagawa mo doon?’ Eh nagsasasayaw kami doon,” kuwento ni Marian.
Dugtong naman ni Pokwang, “Nagtataka pa siya bakit ang taas ng energy niya hanggang pag-uwi ng bahay. Ang kukulit, beh. Ang kukulit pero ang saya-saya sa set.”
Aminado naman si coach Jay na inakala niya noong una na magiging mahirap ang maging hurado.
“Kasi nasa amin 'yung pagpili eh, so baka mamali kami ng pili. Pero nung na-experience ko na, hindi pala siya mahirap talaga kasi we need to talk eh after mag-perform. So mas madaling magsalita ‘pag inspired ka doon sa pinapanood,” saad niya.
Hanga rin si Marian sa mga ipinakikitang husay ng mga kalahok.
“Ganon sila ka-metikuloso. Sa bawat sasayawin, sa bawat step, sa bawat pagtungtong nila sa entablado, makikita mo talaga ‘yung presence nila na ay, ready sila. Ah, gagawin talaga nila,” ani Marian.
May pabitin din na pahayag ang mga hurado na aabangan sa show.
“Mas magugulat ka sa mga rebelasyon ng ating mga stars on the floor,” ani Pokwang.
“Hindi lang 'yun, mamang. Magugulat kayo dito kasi sa bawat competition, hindi nagpapatalo ‘yung Alden. ‘Yun ang aabangan nila,” dagdag ni Marian.
“Siya ang pinakapagod sa amin,” sabi pa ni Pokwang.
Mapapanood ang “Stars on the Floor” simula sa June 28 sa GMA Network. —FRJ, GMA Integrated News
