Sa harap ng mga balita tungkol sa kagat ng aso at kalmot ng pusa, hindi rin nakaligtas sa ganitong insidente ang Kapuso beauty queen na si Michelle Dee na nakagat sa mukha ng alaga niyang aso.
Sa Instagram, ibinahagi ni Michelle ang kaniyang larawan na makikita na may gaza sa kaniyang kanang pisngi.
Sa hiwalay na video post, nagtungo naman siya sa isang clinic para magpagamot.
"No matter how much we love your furbabies, never underestimate dog bites!" saad ni Michelle. "Act [quickly]."
Kamakailan lang, naging usap-usapan sa social media ang dalawang kaso ng namatay dahil sa rabies na dulot ng kagat ng aso.
Ang isang lalaki, siyam na buwan na ang nakalipas bago umepekto ang rabies ng aso. Napag-alaman na isang beses lang siya na nagpabakuna ng kontra sa rabies at hindi kinumpleto ang apat na turok.
Itinampok naman sa Kapuso Mo, Jessica Soho nitong nakaraang Linggo ang kaso ng isang batang babae na nasawi rin sa rabies dahil sa kalmot ng pusa.
Noong 2024, iniulat ng DOH na umabot sa 426 rabies-related deaths. Kaya muling ipinaalala ng ahensiya na pabakunahan ang mga alagang hayop, at magpabakuna ng anti-rabies kapag nakagat at kompletuhin.--mula sa ulat ni Hermes Joy Tunac/FRJ, GMA Integrated News

